Ngayong naging viral ang isang video clip ng isang operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) kung saan ay may habulang nangyari sa pagitan ng mga miyembro ng QCPD at naispatang masasamang elemento ay maaring maisantabi ang agam-agam sa tanim-boga na nangyayari sa mga operasyong isinasagawa ng kapulisan, lalo na sa kampanya kontra iligal na droga.
Aba’y kung napanood ninyo ang video clip ng QCPD police operation na naghahabulan at nagpalitan ng putok ang grupo ng mga pulis at masasamang-loob ay talagang mababahala ka dahil tunay ngang mapanganib na sa mga panahong ito ang mga kriminal dahil armado talaga sila.
Kitang-kita sa video na armado ang masasamang-loob na lahat ay gagawin, maisakatuparan lamang ang kanilang masamang balakin kaya dapat tayong maging alertong lahat.
Higit sa lahat ay dapat alam natin ang ating gagawin sa ganitong mga tagpo upang hindi nalalagay sa alanganin ang ating buhay. Pero siyempre sino ba tayong mga sibilyan para kumasa sa masasamang-loob?
Mabuti na lamang at maasahan na talaga ang mga kapulisan sa panahong ito. Sa ganitong mga pagkakataon ay napakahalagang may mga aktibong mga tauhan ng pulisya na nakakalat para maabatan ang anumang pagtatangka ng masasamang-loob.
Kagaya na lamang sa Kyusi kung saan nangyari ang insidente dahil talaga namang gising na gising ang mga operatiba ng QCPD para magbantay at tiyakin ang seguridad ng bawat isa sa lungsod.
Walang pinipiling oras ang mga taga-QCPD, 24/7 po silang kumikilos kaya dapat nang matinag ang masasamang elemento dahil hindi kayo makakalusot sa mapagmasid na QCPD sa ilalim ng pamumuno ni District Director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar.
Kaya kay Col. Eleazar, saludo sa inyo ang mga taga-QC kung saan din nakatira ang inyong lingkod dahil talagang ramdam namin ang unti-unti pagtahimik ng lungsod at pagkawala ng halos dati ay araw-araw na pang-agaw cellphone at holdapan sa mga pampasaherong bus, jeep at FX.
Sana ay maging ehemplo ang QCPD ng iba pang distrito kung papaanong ipinatutupad ang pagpapanatili ng seguridad ng mga komunidad, lalo na ngayong hindi lamang ang iligal na droga ang binabantayan kundi maging ang terorismo.
***
Kung may mga local government units (LGUs) na pursigido nang ibigay ang suporta sa isinusulong na pagpapalit ng anyo ng gobyerno sa pamamagitan ng pederalismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, mukhang namumuro rito ang lalawigan ng Nueva Ecija.
Ito matapos kumpirmahin ni Unang Sigaw Party na si dating Nueva Ecija Governor Aurelio ‘Oyie’ Umali na nasa 90% o katumbas ng 153 na ng mga incumbent officials sa buong probinsya na sumama sa mass oath taking ng local ruling party na Unang Sigaw Party noong Lunes ang nanumpa ng katapatan sa partido at suporta sa pederalismo.
Katuwang ni Oyie Umali na nagtulak ng suporta ay si incumbent Governor Cherry D. Umali kasama ang 20 alkalde ng lalawigan, 14 bise alkalde, 108 councilors, limang board members at anim na ABC presidents.
Ipinahayag din ng grupo na puntirya ng local party na makipag sanib-pwersa sa administration party na PDP-Laban bilang paghahanda sa tagumpay ng isinusulong na federalism government ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Unang Sigaw Party ay itinatag noong Enero 25, 2008 bilang isang local political party na nagbuwal sa matagal na paghahari ng Balane Party ng mga angkan ng Joson.