Napunan ang pagkatigang ng bansa sa medalya sa Olympics matapos na masungkit ng ating kababayang si Hidilyn Diaz ang medalyang pilak sa weightlifting sa Rio Olympics na kasaluku­yang ginaganap sa Rio, Brazil.

Huling umani ng silver medal ang Pilipinas sa Olympics kay Onyok Velasco sa larangan ng boksing noong 1996 sa Atlanta.

Si Diaz din ang kauna-unahang non-boxer na Pilipinong atleta­ na nakasungkit ng medalya mula noong 1936.

Kaya naman labis ang kasiyahan ng sambayanang Filipino sa bagong tagumpay na inihatid ni Hidilyn sa ating bansa.

Pero higit na natuwa sa karangalang inihatid sa bansa ni Hidilyn ay si Pangulong Rodrigo Duterte dahil kagaya ng Pangulo ay mula rin sa Mindanao ang nagwaging atletang Pinoy.

Ang karangalang inihatid sa ating bansa ni Hidilyn ay napapanahon lalo na’t umaasam ng pagbabago ang bawat mamamayang Filipino.

Kaya sa iba pang atletang Pinoy na kasama sa Rio Olympics gawin n’yo sanang inspirasyon ang karangalang nasungkit ni Hidilyn.

Gayunman, manalo o matalo sa mga sasabakan ninyong mga laban ay karangalan pa ring maituturing na naging bahagi kayo ng Rio Olympics at maraming salamat sa inyong pagpupursigeng makapag-uwi ng karangalan para sa ating bansa.