Hindi naman pala puro bad news ang hatid ng ating mga mambabatas partikular sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ay dahil may hatid silang good news kina lolo’t lola.
Ito ay matapos na umabot sa 176 kongresista ang bumoto pabor sa panukala na magbibigay ng ibayong proteksyon at magtataguyod sa karapatan ng mga senior citizen.
Walang tumutol kaya naman tuluyang nakaabante sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) No. 7030 o ‘Anti-Elder Abuse Act.’
Sa pamamagitan ng nasabing panukala ay inaasahang mas mapoprotektahan ang karapatan ng mga senior citizen at maiaadya ang mga ito sa karahasan at iba’t ibang klase ng pang-aabuso.
Kudos kay Tarlac Rep. Victor Yap pangunahing nag-akda at isa sa mga co-author nito, ang pinaslang na si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe sa panukala.
Isang nakakatuwang nilalaman ng panukala ay ang mga probisyon katulad ng pagpapakulong at pagpapamulta ng P100K hanggang P300K sa mga mambabalewala dito.
Samantala, ang mga opisyal ng barangay o law enforcer na hindi sasaklolo sa senior na inabuso ay makukulong ng anim na buwan hanggang isang taon at pagmumultahin ng P5,000 hanggang P10,000.
May P10,000 na multa rin ang sino mang mabibigo na ipagbigay-alam sa kinuukulan ang insidente ng pang-aabuso sa senior.
Inaatasan naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipag-ugnayan sa mga local government unit na pagkalooban ng mga ayuda ang mga senior citizen na naging biktima ng pang-aabuso.
Kabilang dito ang pagkakaloob ng ligtas na matutuluyan o temporary shelter, counseling, healing, recovery at rehabilitation services gayundin ng iba pang mga programa para matiyak na hindi na mauulit pa ang pang-aabuso.
Kung ganito naman kapositibo ang mga balitang ating natatanggap aba’y sinong hindi sasaya sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtaas ng bilihin at serbisyo.
Ang wish na lang natin ay tuluyan itong maging ganap na batas para naman mapakinabangan na ng ating mga senior.
Well nasa kamay na ng Senado ang panukalang ito at siyempre ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa ganap na pag-apruba bilang maging batas.