Sa aking kauna-unahang pagsisilbi bilang hermano mayor sa katatapos lamang na Piyesta ng Poong Itim na Nazareno nitong Enero 9, natutuwa akong iulat sa inyo na nakagawa tayo ng munting kasaysayan dahil nakapagtala ang Traslacion 2020 ng pinakamaikling prusisyon sa loob ng nakalipas na ilang taon.
Batay sa record na ibinigay sa inyong lingkod, ang naganap na Traslacion 2020 ay natapos ng 16 oras lamang kumpara sa 20 oras noong 2016; 22 oras noong 2017; 22 oras din noong 2018 at 21 oras naman nitong nakaraang taon o 2019.
Kumpara rin sa mga nasabing nakaraang taon, pinakamaagang natapos ang Traslacion 2020, ganap na 8:49 p.m. ng parehong araw kung kailan ito inumpisahan. Nitong mga nakalipas na taon kasi ay parating inaabot ng kinabukasan na bago matapos ang prusisyon. Ang pinakamaagang naitala ay 2:02 a.m.
Itong taon din naitala na pinakamaagang naumpisahan ang Traslacion, ganap na 4:13 a.m. gayung dati ay pinakamaaga na ang 5 a.m.
Naging matagumpay, pangkalahatang tahimik at maayos ang naganap na Traslacion at ‘yan ay dahil na rin sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng maraming ahensiya ng local at national government.
Hindi rin maitatanggi ang naging papel ng Simbahang Katolika, partikular na ang Quiapo Church gayundin ang mga miyembro ng non-government organization na tumulong din para sa kaayusan ng nasabing okasyon.
Pinasasalamatan ko silang lahat, lalo na ang Philippine National Police, sa pagmamantine ng kaayusan at kaligtasan ng lahat ng lumahok sa Traslacion. Hindi maikakaila na buwis-buhay ang kanilang ginampanang trabaho dahil milyon ang kanilang kinaharap na deboto.
Nagpapasalamat din tayo sa Poong Maykapal na walang namatay. Bagama’t may mga nasugatan at nahilo, ang mga ganitong uri ng kaso ay talaga namang naitatala at hindi naiiwasan sa taon-taon na idinadaos ang Traslacion.
Sa parte ng pamahalaang lokal ay aking pinasasalamatan sina Department of Public Service (DPS) chief Kenneth Amurao, city engineer Armand Andres, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office chief Arnel Angeles, gayundin si Vice Mayor Honey Lacuna at mga personnel ng Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Arnold Pangan at mga hepe ng mga ospital na pinangangasiwaan ng pamahalaang lokal. Ilan lamang sila sa patuloy na pumasok sa trabaho at kumilos sa kabila ng piyesta opisyal.
Naging malinis kaagad ang mga rutang dinaanan ng prusisyon dahil na rin sa maagap na pagsunod at paghakot ng mga personnel ng DPS sa mga naiiwang kalat ng mga lumahok sa prusisyon.
Naging ligtas din ang daraanan para sa lahat dahil sa walang humpay na pagpapa-check ni Engr. Andres lalo na sa mga lubak o nakalaylay na mga kable ng kuryente. Matatandaan na minsan ay may namatay na matapos na madaganan nang malubak ang karuwahe kung saan nakasakay ang Poong Nazareno.
Naging handa naman ang MDRMMO at mga ospital ng lungsod para sa emergency cases.
Isa na namang patunay ang naganap na Traslacion 2020 na kapag may pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat, anumang bagay ay maaaring mapagtagumpayan. Muli, maraming salamat sa lahat ng tumulong.
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.