Hindi ako makaapuhap ng tamang salita para magpasalamat sa walang tigil na pagdating ng iba’t ibang uri ng suporta sa pamahalaang lungsod ng Maynila para labanan ang 2019 novel coronavirus, sa gitna ng pagkumpirma ng Department of Health na isang pasyente sa San Lazaro Hospital ang napatunayang mayroon na ng nasabing sakit.
Libo-libong face mask ang patuloy na dumarating sa tanggapan ng inyong lingkod na pawang donasyon ng mga pribadong tao at negosyante nito lamang nakalipas na linggo.
Bukod diyan ay nakatanggap din po tayo ng daan-daang high-tech infrared thermometer na nagagamit upang agad na ma-scan o makita ang temperatura ng isang tao at malaman kung siya ay may lagnat, na isa sa mga pangunahing sintomas ng novel coronavirus.
Ang mga nasabing thermometer na donasyon ni Harwin Chen ng MorganStar Co. ay maaaring maka-detect ng lagnat nang mabilisan at eksakto. Wala itong physical contact dahil itatapat mo lang ang device sa noo ng isang tao ay malalaman mo na kaagad kung nilalagnat ito o hindi.
Labis-labis ang aking pasasalamat sa mga dumarating na donor, gayundin sa pagsusumikap ng mga kawani at opisyal ng pamahalaang lungsod, mga barangay leader at maging ng mga residente ng Maynila mismo, dahil sa kanilang kooperasyon, tulong at suporta hindi lamang sa pagmantina ng malinis na kapaligiran bilang pag-iingat laban sa mga mikrobyo, kundi maging sa matindihang information drive o pagpapakalat ng tamang impormasyon hindi lang ukol sa novel coronavirus kundi maging sa ibang isyu at health program ng lungsod.
Sa ngayon ay nakapamahagi na ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng mahigit sa 650,000 surgical at N95 face mask para sa mga empleyado at opisyal ng lungsod, mga barangay, jail personnel at maging mga mag-aaral mula sa 104 public elementary at high school at pati na rin sa mga kolehiyo na pinatatakbo ng lungsod.
Marami pa tayong nakatakdang ipamigay sa mga darating na araw at sa kabutihang palad ay patuloy namang dumarating ang mga donasyon na malaking karagdagan sa mga face mask na nauna nang binili ng lungsod at agad na ipinamigay sa mga kawani ng gobyerno, kasama na ang mga ‘health frontliner’ natin.
Bukod sa 500,000 face mask na ating ipinamigay sa mga mag-aaral, nagbigay rin ang lungsod ng 6,200 face mask sa San Lazaro Hospital kung saan ginagamot ang mga hinihinalang kaso ng novel coronavirus, bilang isa sa mga piling ospital na kayang gamutin ang nasabing sakit.
Binabati at pinasasalamatan ko rin si Vice Mayor Honey Lacuna, bilang supervising authority ng anim na pinatatakbong ospital ng city government, dahil sa pagtiyak na alerto at laging handa ang mga ito na tumanggap ng pasyente na maaaring dumating at may sintomas ng nasabing virus.
Gayundin kay Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, na tumulong din sa ating information drive ukol sa novel coronavirus bago pa man magkaroon ng kumpirmasyon na meron na nito sa San Lazaro.
Kapuri-puri rin ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) personnel sa pamumuno ng hepe nilang si Dennis Viaje dahil sa ipinakita nilang volunteerism at pagtulong sa pagre-repack ng mga face mask para sa mga paaralan.
Lahat ng positibong pangyayaring ito ay nagpapakita ng pagkakaisa ng mga taga-Maynila sa oras ng nagbabantang krisis, bagay na maipagmamalaki mong ikaw ay taga-Maynila at Pilipino. Nakalulungkot lamang na nabahiran ito ng kaguluhan nang magkaroon ng panic buying ng face mask sa Bambang, Sta. Cruz, kung saan may mga nagwawala dahil naubusan daw ng stock.
Totoo man ito o hindi, ‘di maaaring itabi ang posibilidad na may mga lokong negosyante na nagsasamantala. Sa pamamagitan ng paglikha ng artificial shortage o kakulangan ng supply ng face mask, maaaring itago ng mga ito ang kanilang paninda at ibenta kalaunan sa higit na malaking halaga.
Nakikiusap akong muli sa mga negosyante na magkaroon ng konsensiya at huwag diyosin ang pera. ‘Wag naman sana ninyo gamitin ang pagdurusa ng inyong kapwa para kumita ng pera. Matakot kayo sa karma.
***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.