Tigib ng pasasalamat ang aking puso nang ipakita sa akin ni city treasurer Jasmin Talegon ang listahan ng mga donasyon na tinanggap ng pamahalaang lungsod ng Maynila mula sa mga ordinaryong mamamayan na gusto lamang tulungan ang kasalukuyang administrasyon na iahon ang lungsod mula sa kabulukang kinasadlakan nito dala ng ilang taong pagpapabaya.
Umabot ang kabuuang donasyon sa P21.7 milyon at ito ay nagmula sa lahat ng uri ng Pilipino mula sa iba’t ibang sulok ng mundo kagaya ng mga immigrant, overseas Filipino worker, estudyante at maging mga bata.
Sa maniwala kayo o hindi, ang mga donasyon na ito kung minsan ay mga barya pa na nakalagay sa mga alkansiya o ‘di kaya ay mga butal-butal na dolyares mula sa ating mga kababayan na nagpapahayag ng pananalig sa bagong administrasyon ng Maynila. Anila, ito ang kanilang maliit na kaparaanan upang makapag-ambag sa mga positibong pagbabago sa lungsod.
Nakatataba ng puso dahil alam ko na pinaghirapan ng mga taong ito ang kanilang iniaambag sa lungsod at ang iba sa kanila ay ni hindi taga-Maynila, kaya naman lalong napakahalaga para sa akin ng mga donasyong ito.
Walang salitang makasasapat para pasalamatan ang mga taong ito. Ang tangi kong maigaganti ay ang pagtitiyak na aalagaan naming mabuti ni Vice Mayor Honey Lacuna ang kanilang mga donasyon at gagamitin ito sa tama.
Para sa kaalaman ng publiko, sa oras na matanggap ko ang donasyon, gaano man kaliit o kalakit, ito ay dumidiretso kay city treasurer Jasmin Talegon para sa ‘proper accounting’.
Plano kong gamitin ang mga nasabing pondo para sa vertical housing project para sa mga informal settler, public health facility at iba pang proyekto ng lungsod na para sa mga kapus-palad na mamamayan ng Maynila.
Nag-umpisang magdatingan ang mga donasyong ito mula noong kami ni Vice Mayor Honey ay maupo sa lungsod. Kalakip ng mga nasabing donasyon ang mga makabagbag-damdaming liham na habambuhay kong pahahalagahan dahil nagsisilbing inspirasyon ang mga ito sa akin para higit pang pagbutihin ang aking trabaho.
Nagpapasalamat ako sa mga mabubuting salita na higit na nakapagpapataas ng aking morale gayundin ng aking mga kasamahan sa pamamahala ng lungsod.
Lahat ng mga nasabing donor ay nagpapahayag ng pananalig at tiwala sa ating administrasyon at kami naman sa pamahalaang lungsod ng Maynila ay nangangako na hindi namin sila bibiguin.
***
Nakikiramay ang inyong lingkod sa mga naiwan ni Samson Bautista, ang pares vendor na walang awang binaril nang malapitan ng isang bangag na holdaper.
Personal kong dinalaw si Bautista sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) kung saan siya unang ginamot at inasikaso sa pangunguna ni hospital director Dr. Ted Martin at kanyang mga tauhan.
Nakausap ko si Bautista noon at pinangakuan ko pa na bibigyan ng permanenteng lugar kung saan siya pupuwedeng magtinda kapag magaling na siya. Sa kasamaang-palad, inilipat siya ng ospital para sa mas komplikadong operasyon at nasawi.
Ang suspek na si Alexander Ogdamina, 36, ng Gasangan, Baseco Compound, Port Area, ay umamin na siya ay gumagamit ng iligal na droga at sa katunayan ay bangag nga nang holdapin at barilin niya ang kaawa-awang biktima.
Salamat sa closed circuit television (CCTV) sa lugar na iyon at mabilis na nakilala at natunton ang suspek. Kaya naman plano na rin nating gumamit ng mas matinding tracing system kung saan mas mabilis na mahahanap ng pulisya at madadakip ang mga kriminal, maging ang wanted na tao o ‘yung mga nagtatago sa batas.
Sa ilalim ng bagong sistema, gagamit ang lungsod ng aparato na may special feature na tinatatawag na facial recognition kung saan dumadaan lang ang tao ay automatic na itong makikilala sa pamamagitan ng facial recognition. Base sa aming database, ang algorithm ang siyang kikilala sa mukha at magbibigay ng ‘red flag’ at maaari nang sundan ang tao.
Nagbibigay ako ng reward money para sa bawat wanted na nadarakip ng mga pulis para sa kaligtasan ng mga mamamayan. Biruin n’yo, kung kayo o ang inyong mahal sa buhay ay naglalakad sa labas at namumuhay nang normal, ‘di n’yo alam na may wanted na rapist o mamamatay-tao na pala kayong nakakasalamuha na maaaring umatakeng muli anumang oras?
Ang tangi ko lang naman hinihingi sa mamamayan ay tiyakin na sila ay magsasampa ng reklamo upang matiyak naman na malilitis ang salarin at maparurusahan sa ilalim ng batas sa halip na magpakalat-kalat lang ulit dahil hindi nagreklamo ang biktima.
Nais naming tulungan ang mga biktima pero hindi namin ito magagawa nang kami lamang.
***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
For updates on latest developments in the city of Manila, please visit my Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.