Kapuri-puri itong isang malaking kompanya ng consumer goods na nagtayo ng refilling station ng ilang piling hair product.
Napakahusay ng hakbang na ito. Imbes na itapon ang mga plastic bottle na lalagyan ng mga shampoo at conditioner, huhugasan na lang ito ng mga konsumer at saka dadalhin sa refilling station sa tatlong malalaking mall sa Muntinlupa (Alabang Town Center), Makati City (Glorietta) at Quezon City (Trinoma).
‘All Things Hair Refillery’ ang pangalan ng kanilang refilling station.
Nagtitinda rin sila ng mga empty bottle para sa mga walang dalang lalagyan.
Bukod dito, tatanggap din sila ng mga basyong one-time use plastic gaya ng sachet para i-recycle sa halip na itapon sa basurahan.
Dapat saluduhan ang hakbang na ito at sana ay pamarisan sila ng ibang kompanya. Napakalaking tulong nito sa kalikasan.
Isipin na lang ang mababawas na kalat na mga sachet at plastic bottle ng shampoo at conditioner.
Sigurado namang susuportahan ito ng publiko dahil mas mura ang refill.
Mahigit .50 sentimos lang ang kada gramo ng shampoo at conditioner. Wala na kasing binabayarang container.
Dahil mura ang kanilang produkto, lalakas din ang benta nila.
Hindi lang ito ‘2 birds in 1 stone’ kundi ‘3 birds’ pa nga!
Tulong sa kalikasan. Tulong sa konsumer dahil mas mura. Tulong din mismo sa kompanya dahil lalakas ang benta sa mas konting production cost (mahal din kasi ang mga lalagyan).
Sa ngayon ay mukhang experimental ang hakbang dahil hanggang Abril 14 lang daw ang ‘All Things Hair Refillery’.
Sana ay tangkilikin ito ng publiko para maging permanente, dumami pa ang refilling station at nang pamarisan ng ibang kompanya.
Salamat sa hakbang na ito!