Hindi matatawaran ang pagseserbisyo sa bayan ng yumaong si Senador Miriam Defensor-Santiago.
Nagsimulang magsilbi sa gobyerno ang 71-anyos na senadora nang italaga itong Regional Trial Court judge sa Quezon City at pinakabatang naging judge.
Hanggang sa italaga na itong commissioner ng Immigration, naging kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Justice (DOJ) at nakatatlong termino bilang senador.
Isa ang senadora sa nakapagsilbi sa tatlong sangay ng ating gobyerno nang maging isa itong huwes, maging senador at maging miyembro ng gabinete kaya naman maraming humanga sa kanyang kakayahang gampahan ang nasabing mahahalagang papel sa gobyerno.
Higit sa lahat ang hindi maikakailang nagawa ng senadora na nagsilbing inspirasyon sa bawat mamamayang Filipino ay ang kanyang walang pag-aalinlangang labanan ang alam niyang mali lalo na sa mga polisiya sa gobyerno.
Dahil sa nakitang gilas sa senadora na makipaglaban para sa katotohanan ay naghatid ito ng pag-asa sa bawat mamamayang Filipino na maraming beses nang nawawalan ng pag-asa dahil sa mga palpak na pamamahala ng mga naging lider ng ating bansa.
Pero ang higit na nakapagbigay ng inspirasyon sa mamamayang Filipino sa mga ginawa at naging desisyon ng senadora ay ang buong tapang nitong pagharap sa kanyang karamdaman.
Buong tapang niya itong hinarap at inasam na gagaling na nangyari naman dahil tumagal pa ang kanyang buhay at sa katunayan ay nagawa pa niyang makalahok sa pampanguluhang halalan nitong 2016.
Kaya salamat sa isang palaban at nagsilbing inspirasyong lider ng bansa na si Senador Miriam. Maraming salamat sa pagbabahagi mo ng iyong buhay sa aming lahat at maraming salamat din sa mga nagawa mo para sa ating bayan.