Kumayod si import Wilma Salas para sa PetroGazz upang matibag ang defending champions Creamline, 25-22, 26-24, 25-22, sa opening day ng 3rd Premier Volleyball League Reinforced Confe­rence Linggo sa FilOil Flying V Centre.

Bumida si Cuban open spiker Salas ng 20 points, 18 mula sa atake at dalawang blocks para sa Angels madaling nilugmok ang Cool Smashers sa pagkadisgrasya ni star player Alyssa Valdez na nagka-ankle injury sa second set.

Tinapos ng isa pang reinforcement ng PetroGazz na si American attacker Janisa Johnson ang laban sa isang off-the-block kill tungo sa 16 puntos niyang saklolo kay Salas.

“Luckily the result favored our team,” pahayag ni Angels coach Arnold Laniog.

Sa second stanza, nilubos ng PetroGazz ang pagkakataon para makasalakay tapos ilabas sa stretcher ang nasaktang franchise player nilang si Valdez.

Pero giniit ni Laniog, “Pero ayaw naming may masaktan na players like what happened kay Alyssa kanina, ‘di natin in-expect and sana wag na maulit. But sa ganoong situation, mas nag-favor sa amin. Although nagpasok sila ng local na si (Jema) Galanza na nag-contribute naman, iba pa rin si Alyssa Valdez.”

Tumulong din para sa Angels sina local middle blockers Jeanette Panaga at Cherry Nunag na may 9 at 8 points. (Janiel Abby Toralba)