Salceda buking sa vote buying

Ibinuking ni re-electionist Philippine Councilors’ League (PCL) national chairman at Davao City Councilor Danny Dayanghirang ang mga ebidensya na nagpapatunay na nagkaroon umano ng laganap na vote buying sa panig ng kanyang kalaban na si Polangui, Albay Councilor Jesciel Salceda sa katatapos na halalan ng liga noong Huwebes.

Nagsampa ng disqualification case si Da­yanghirang laban kay Salceda sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan nakalakip ang kopya ng ‘manager’s check’ na may nakalagay na halagang P7.3 milyon na ginamit umano ng kampo ni Salceda ‘to cover the registration’ ng may 581 councilor mula sa iba’t ibang chapter sa ginanap na PCL national election.

“Massive vote buying in the election… P7.3 million deposited, questioned for vote buying in PCL national election — who would ever think that a prestigious league existing for many years now is faced with election deception?” sabi ni Dayanghirang.

“The check is already a proof of blatant vote buying giving undue influence to the outcome of the supposedly independent exercise,” ayon pa kay Dayanghirang.

“I’m hereby filing disqualification of Salceda, for vote buying and undue influence to the outcome of the supposedly independent elections,” dagdag pa nito.

Si Councilor Salceda ay pamangkin ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng makapangyarihang House Committee on Ways and Means.

Sa Facebook post ni Dayanghirang, ipinakita nito ang isang envelope na may lamang P2,500 cash sa loob na umano’y ipi­namigay ng kampo ng pamangkin ni Salceda sa ilang supporter ng Davao City counci­lor kapalit ng kanilang suporta.

Ang reelection bid ni Dayanghirang ay suportado mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginanap ang PCL election sa SMX Convention sa Pasay City.

Samantala, dineklara ng National Board ng PCL ang failure of elections sa katatapos na eleksyon dahil sa ilang iregularidad.

Ayon sa DILG, supervising agency ng eleksyon, matapos ang ilang pagsusuri at tes­ting sa ginamit na automated system ay nakitaan ng mga error at glitch.

Makaraan ang mahabang diskusyon, nagpalabas ang National Board ng resolusyon na nagpapaliban sa eleksyon sa ibang araw. Inatasan ang Ad Hoc Committee na makipag-ugnayan sa DILG para magtakda ng petsa para sa eleksyon nang hindi lalagpas ng 60 araw.

Samantala, inakusahan ni Cong. Salceda si Dayanghirang ng diumano’y pandaraya para muling maluklok sa puwesto kontra sa kanyang pamangkin na si Jesciel Richard.

Ayon sa post ni Salceda, walang tsansang manalo si Dayanghirang, na mula sa Davao City dahil nakuha umano nila ang commitment ng nasa 8,700 councilor sa 11,400 na nakarehistrong bumoto para sa PCL chairmanship.

“We had commitments from 8,700 councilors of the 11,400 registered. Jesciel would have easily beaten Dayanghirang by 3.5 to 1,” ayon kay Salceda.

“How shameful — the National PCL attempted to cheat Jesciel. And no matter what, they will cheat by whatever means to hide their past malfeasance,” sabi pa nito. (JC Cahinhinan/Ray Mark Patriarca)