Salceda: Hayag at may pananagutang paggastos titiyakin ng Budget Reform Act

Titiyakin ng Budget Reform Act na kaaapruba ng Kamara kamakailan na magiging hayag, may integridad, mabisa at may pananagutan ang paggasta ng pamahalaan sa salapi ng bayan.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House appropriations committee vice chair, ina­asahang babalasahin at babaguhin ng House Bill 7302 ang ‘budget management system’ ng pamahalaan at malaki ang maitutulong nito para matiyak ang pondo para mapuhunanan ang ambisyosong mga proyektong impraestraktura ng gobyerno.

Sinertipikang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte at ginaba­yan ni Salceda sa delibe­rasyon ng plenary, tampok ng ‘breakthrough reform measure’ ang mga sumusunod: 1) Babaguhin at gagawing “annual cash-based” mula sa “obligation-based” ang sistema ng paglalaan ng badyet kaya magiging tiyak na batayan ng mga ahensiya ang “Appropriations Law” sa paggasta nila sa loob ng saklaw ng taon; 2) Ipatutupad nito ang konseptong “one-fund” kung saan lahat ng salaping tatanggapin ng pamahalaan ay pupunta sa “general fund” at mapapasok sa “national treasury”; maaaring lumikha ng “special funds” sa pamamagitan ng batas ngunit limitado ito sa “trust fund, revolving and retained funds”; 3) Papayagan din ang paglikha ng mga “Special Purpose Funds” ngunit limitado ang mga ito sa “National Disaster Risk Reduction and Management Fund”, “Contingent Fund” at mga pondong nakatalaga na ng batas para sa mga pamahalaang lokal (LGU) na hindi pa tiyak ang mga detalye sa panahon ng pagbabalangkas ng badyet; 4) Madedeklara lamang na “savings” ang anumang natipid/natirang pondo pagkatapos makumpleto ang proyekto o ipinatigil ito sa anumang kadahilanan; 5) Ang ipinatigil na mga proyekto ay hindi maaaring pondohan sa susunod na dalawang taon at ang anumang pondong hindi nagamit dahil sa kasalanan ng ahensiyang nagpapatupad sa mga ito ay hindi itutu­ring na “savings” o natipid; 6) Ino-otorisa ng Budget Reform Act ang mga “Constitutional Officers” na gamitin ang kanila saving para tugunan ang anumang kakulangang pondong laan sa kanilang mga ahensiya; at 7) Itinatalaga din ng naturan ang pagkakaroon ng “Integrated Financial Management Information System, Single Portal Of All Financial Transactions And Reports To Be Used By Natio­nal Government Agencies, Government-Owned Or Controlled Corporations (GOCCs) and LGUs” para gawing magkakatugma ang sistema ng kanilang “Budgeting, Cash Ma­nagement and Accounting Processes”.

May itinatalaga ring parusa ang naturang batas sa hindi pagtupad ng mga ahensiya.