Seryoso ang babala ni Albay Rep. Joey Salceda laban sa pagtanggal sa ‘scholarship’ ng mga aktibistang mag-aaral sa ilalim ng Universal Access to Quality and Tertiary Education Act (UAQTEA) o Free Tuition Law (RA 10931).

 

Diin nito, iligal at may katapat na parusang pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang isang taon at multang P20,000 hanggang P100,000 ang paglabag sa nasabing batas.

 

Si Salceda ang orihinal na may-akda ng batas sa Kamara at ipinaalala nito na dalawang kondisyon lamang ang nakasaad sa Section 6 ng batas para tanggalin ang scholarship: 1) kabiguang makumpleto ang kurso sa loob ng isang taon pagkatapos ng kaukulang taning sa kursong pang-kolehiyo, at pagbagsak sa anumang aralin o ‘subject’ sa kursong ‘technical-vocational’ sa loob ng taning na programa nito; at 2) hindi pagtupad sa ‘retention policies’ ng paaralan.

 

Nakiisa ang mambababatas sa malawakang pagkontra sa panukala ni National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema na tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng lu­malahok sa protesta laban sa pamahalaan, habang ipinupunto na mismong si Pangulong Duterte ay hindi sang-ayon sa isinusulong ng NYC head.

 

Malinaw na malinaw umano na walang ibang probisyon ang batas na maaaring gawing dahilan para bawiin ang scholarship, dagdag ni Salceda.

 

Giit nito, ginagarantiyahan ng UAQTEA ang libreng pagaaral sa kolehiyo anuman ang hugis o kulay ng paninindigan ng mga kuwalipikadong Pilipinong mag-aaral.