Salceda naduwag, binawi yes vote sa anti-terror bill

Isa pa si Albay Rep. Joey Salceda sa ilang mambabatas na binawi ang yes vote sa kontrobersiyal na anti-terrorism bill matapos bumuhos ang mga panawagan ng publiko na ibasura ang naturang panukala.

Ayon kay Salceda, chairman ng House committee on ways and means, nais niyang mag-abstain na lang sa nasabing panukala dahil may ilang probisyon umano dito na kailangan pang pag-usapan.

“I thus request the Secretary-General to withdraw the “yes” vote that I was recorded to have made, and register an abstention,” parte ng liham ni Salceda kay House secretary-general Atty. Jose Luis Montales.

Sinabi ni Salceda na ang hindi pagsalang sa House Bill No. 6875 sa bicameral conference committee ang dahilan ng kanyang pagbabago ng isip sa anti-terrorism bill.

In-adopt ng Kamara ang bersyon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng Senate Bill No. 1083 dahilan para hindi na mapag-usapan pa ang ilang probisyon sa panukala.

Ayon kay Salceda, ilan sa mga probisyon ay hindi naayon sa 1987 Constitution at karapatang pantao na kailangang maplantsa bago maipasang batas.

Ilan sa mga ito ay ang Section 16 ng panukala kung saan malawak pa umano ang listahan ng mga taong puwedeng isalang sa surveillance o wiretapping dahil sa pagsasama ng mga suspected pa lamang sa krimen ng terorismo.

Isa pa sa ikinabahala ni Salceda ay ang pagtatatag ng Anti-Terrorism Council (ATC) na bubuuin ng mga miyembro ng gabinete dahil may kapareho umano itong gawain ng tulad sa korte na lalabag sa prinsipyo ng separation of powers.

“Since the ATC will be composed of the implementers, its members could not possibly be objective in its decision. Montesquieu would be pained,” giit ni Salceda. (Ray Mark Patriarca)