Sampung bala ang tumapos sa buhay ng isang sales agent na pinagbabaril ng tatlong gunman habang nakikipag-inuman kahapon nang madaling-araw sa Intramuros, Maynila.

Idineklarang patay sa Manila Doctors Hospital dakong alas-12:30 nang mada­ling-araw ang biktimang si Jay-Ar Supelana, ng Unit 610 Le Mar Ben ll sa 747 San Bernardo St., Sta. Cruz, Maynila.

Sa imbestigasyon ni P/MSg. Charles John Duran, ng Manila Police District-homicide section, pawang naka-helmet ang tatlong suspek na lulan ng 3 motorsiklo at armado ng baril.

Alas-11:40 ng hatinggabi nang maganap ang pamamaril sa loob ng Night Market sa Victoria St., at Juan Luna St., sa Intramuros.

Nabatid kay Leonardo Ortiz Jr., 35, assistant fabricator, kasama siya sa inu­man ng ilang kaibigan nang sumulpot ang tatlong suspek saka pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Nang makitang bumulagta na ang pakay ay mabilis nang nagsisakay sa kani-kanilag motorsiklo ang suspek at tumakas.

Inaalam ngayon ng pulisya ang motibo sa pagpaslang sa biktima. (Juliet de Loza-Cudia)