Nasawi ang 27-anyos na security guard nang salpukin ang minamanehong motorsiklo ng isa pang motorsiklo sa Dasmariñas City, Cavite.

Agad nasawi ang biktimang si Jeffrey de Guzman.

Ginagamot naman sa ospital ang driver ng isa pang motorsiklo na si Jonathan Valenzuela, nasa wastong edad.

Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Aguinaldo Highway patungo sa direksiyon ng Manila dakong alas-siyete kahapon ng umaga habang galing naman sa Manila si Valenzuela kung saan minamaneho naman nito ang kanyang motorsiklo na Kawasaki habang binabagtas din ang nasabing daan.

Ayon kay Pat. Norman Guerra ng Dasmariñas City Police Station, pagsapit sa harapan ng isang bangko tinangka ni Valenzuela na kumaliwa patungo sa MV Construction at pumasok sa isang bukas na daanan at ‘di nito napansin ang pagdating ng motorsiklo ni De Guzman dahilan upang salpukin nito.

Dahil sa malakas ng pagkakabangga sa motorsiklo ng biktima ay agad itong nalagutan ng hininga habang isinugod naman sa ospital ang suspek. (Gene Adsuara)