Inaasahang makakaranas ng maulap at maulan na pagsalubong sa Bagong Taon ang malaking bahagi ng bansa dahil sa posibleng pagpasok ng isa pang bagyo sa araw ng Linggo.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), isang sama ng panahon ang kumikilos ngayon at papalapit sa bansa at tatawagin nila itong ‘Wilma’ kapag tuluyan nang nabuo at nakapasok sa Philippine Area of Responsibility sa loob ng 72 oras.

Sa kasalukuyan, buntot o tail end ng cold front ang nakakaapekto sa sila­ngang bahagi ng Southern Luzon habang ha­nging amihan naman sa Northern at Central Luzon.

Samantala, itinaas din ng PAGASA ang heavy rainfall war­ning sa maraming bayan sa mga lalawigan sa Mindanao dahil sa ina­asahang malalakas na pagbuhos ng ulan dito.

Sa rainfall advisory­ ng PAGASA, yellow warning level ang nakataas sa mga ba­yan ng Hinatuan, Tagbina,­ Bislig at Lingig sa Surigao del Sur; Trento, Santa Josefa, Bunawan, Loreto, La Paz at Rosario sa Agusan del Sur; Boston, Cateel at Baganga sa Davao Oriental; Monkayo, Compostela at New Bataan sa Compostela Valley at sa Lalawigan ng Basilan.

Dahil dito, pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente na malapit sa ilog sa mga posibleng pagbaha.

Patuloy ding makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog ang CALABARZON, Bicol, Eastern Visayas Regions, Oriental Mindoro at Marinduque dahil sa buntol ng cold front.

Magiging maulap naman na sasamahan ng pag-ulan dahil sa hanging habagat ang mararanasan sa Metro Manila, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Regions at Aurora.