Saludo ako sa’yo, Papa!

Kung nanay ang nagsisilbing ilaw, tatay naman ang tumatayong pundasyon o haligi ng tahanan. Siya ang sandigan ng isang pamilya. Kaya marapat lang na bigyang pugay natin sila ngayong Father’s Day.

Hindi pa ako tatay pero dama ko ang paghihirap ng isang ama. Nasaksihan ko ito sa sakri­pisyong ipinamalas ng aming Papa maitagu­yod lang kaming magkaka­patid. Tiniis ni Papa’ng mawalay sa aming pa­milya para magtrabaho sa ibang bansa. Halos dalawang dekada rin siyang namasukan sa isang la­boratoryo sa Saudi Arabia.

Nakagisnan ko nang tuwing Pasko at Bagong Taon lang nakikita si Papa. Itinatapat kasi niya ang isang buwang bakasyon sa Christmas season para sama-sama kami nagdiriwang nito. Pero sa buong taon, si Mommy lang ang kasama namin sa bahay. Sa mga special occasion sa bahay gaya ng mga birthday namin, wala si Papa. Ipinagkibit-balikat lang ni Papa ang ‘home sick’ – ang lungkot at hirap na mag-ibayong dagat para maka-ipon at mapag-aral kaming magkakapatid.

Hindi pa uso noon ang internet at cellphone. Kaya sa sulat at voice recorder namin idinadaan ang kumustahan. Ilang linggo ang hihintayin bago dumating ang sagot ni Papa sa liham namin. Di gaya ngayong may social media, kahit minu-minuto – puwede mong makausap ang mahal mo sa buhay na nasa ibang bansa.

Ngayon ko naiisip ang hirap at sakripisyong tiniyaga ni Papa sa abroad. Sino kaya ang naghahanda ng pang-araw araw niyang pagkain noon? Sino ang nag-aalaga sa kanya kung maysakit siya? Sino kaya ang naglalaba ng mga marumi niyang damit? Ilan lang sa mga bagay na tiyak akong buong lakas na ginawa ni Papa’ng mag-isa.

Bagay na kaya ko ring tiisin oras na bumuo na ako ng sariling pamilya. Sa ganyang paraan ko lang mapasasalamatan si Papa – ang tiyaking magiging isang mabuti at responsable rin akong ama sa aking magiging mga anak.

Base sa pagsasaliksik, sa Estados Unidos nagsimula ang Father’s Day na unang ipinagdiwang sa Washington noong June 19, 1910 ng babaeng si Sonora Smart Dodd para bigyang pugay ang kanyang amang si William Smart, isang Ci­vil War veteran. Inisip kasi ni Sonora na puro mga nanay na lang ang binibigyang pansin sa lipunan kaya dapat ding kilalanin ang kontribu­syon ng mga ama sa pamaya­nan. Hindi naglao’y sinundan na ito ng maraming bansa. Dito sa Pilipinas, tuwing ikatlong linggo ng Hunyo ito ipinagdiriwang.

Ngayong Father’s Day, gawin n’yong extra special ang araw para sa inyong mga Tatay, Ama, Itay, Dad, Daddy, at Papa. Hindi naman kailangang gumasta nang malaki para ipakita ang pagmamahal at pasasalamat sa kanila.

Kahit simpleng card na naglalaman ng personal mong saloobin sa kanya, ayos na! Di kailangang maging ‘mushy’ o ‘yong sobrang sentimental. Just tell him that you’re glad to have him as your father.

Ikaw naman ang maghanda’t magluto ng pagkain sa bahay – tiyak na maa-appreciate ‘yan ni tatay. Kung may extra budget, maaari rin namang ipasyal si tatay sa mall. Puwede ring manuod ng sine o kaya’y magshopping. Ibili si tatay ng paborito niyang damit o sapatos.

Special mention sa mga single dad – ‘yong mga tatay na tumatayo ring nanay sa pamilya. Posibleng naghiwalay ng asawa o di kaya’y maagang nabiyudo. Muli, ang aking pagbati sa lahat ng ama. Maraming salamat po sa inyo, mahal naming Tatay!