Saludo kami sa inyo!

For the record by Jeany Lacorte

Hindi kami nagtataka na ang Quezon City Police District (QCPD) na ngayon ang maituturing na nangunguna sa lahat ng distrito ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa magaling na pagmamando ng kanilang lider na si Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar.

Para po sa kaalaman ng lahat, kabilang sa mga tinututukan nang husto ni Supt. Eleazar ay ang paglilinis sa kanilang hanay. Alam naman nating lahat na ito ang nangungunang problema ng mga pulis — ang mga anay sa kanilang hanay na sumisira sa buong institusyon.

Sa pamumuno ni Eleazar, may 200 scalawags at bastos na pulis-QC na sangkot sa mga nakakahiyang kaso tulad ng droga, kotong, nakawan at iba’t ibang kaso ng imoralidad ang nasibak.

Sa drug campaign, may 19 barangay na ang maituturing na drug-free sa lungsod. But wait there’s more!

Naglunsad pa si Eleazar ng healing process para sa drug war. Inumpisahan ito ng QCPD noong Pasko kung saan nagsama-sama ang mga pulis at ang pamilya ng mga sumuko at napatay sa drug campaign.

Malaking bagay ito para mabura ang galit sa puso ng publiko lalo na ang mga pamilyang nadamay sa drug war. Dahil na rin sa sipag nitong si Supt. Eleazar, nagawang bawasan ng 42% ang kriminalidad sa lungsod.

Patunay dito ang survey na ginawa ng National Police Commission kamakailan, kung saan No. 1 ang QCPD pagdating sa level of public safety. Kumbinsido kasi ang mga respondents na safe na silang maglakad sa mga kalye kapag gabi dahil na rin sa nakikitang police visibility.

Sa naturang survey, pinakamataas din ang QCPD at naungusan nito ang lahat ng police districts sa limang kategorya na kinabibilangan ng public trust and respect, level of public safety on crime reporting by the public, lifestyle, moral and ethics ng NCR police at public support.

Hindi naman puwedeng maliitin ang survey dahil nilahukan ito ng 570 respondents na kinabibilangan ng barangay officials, employees; force multipliers; mga negosyante, estudyante, guro, school officials and employees, drivers, vendors, professionals at religious sector.

Sa gitna ng lahat ng kanyang accomplishment, very humble pa rin si Supt. Eleazar at sinabi nitong lahat ng tagumpay ng QCPD ay dahil sa pagtutulungan ng kanilang kapulisan, buong komunidad at local government.

Kapag ganito ang hepe ng ating kapulisan — masipag at maasahan pero walang yabang — may pag-asa ngang tuluyan nang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa PNP. Ang tangi naming masasabi: Mamang pulis, saludo po kami sa inyo!