Ipinadama ng ABS-CBN ang pagmamahal at pagkilala nito sa mga sundalong Pilipino sa programang Saludo sa Sundalong Pilipino kamakailan sa auditorium ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Medical Center.
Katuwang ang AFP, itinupad ng Kapamilya network ang hiling ng mga sundalo na makita at makasalamuha ang cast ng FPJ’s Ang Probinsyano habang nagpapagaling sila mula sa pakikipaglaban sa Marawi at sa iba pang bahagi ng Pilipinas.
Mahigit 150 sundalo ang dumalo sa variety show kung saan nagtanghal ang The Voice Season 2 finalist na si Daryl Ong, at ang CIDG boys na sina John Medina, Lester Llansang, Michael Roy Jornales, Benj Manalo, at Marc Solis.
Naroon din ang child stars na sina Awra, Ligaya at Pacquito, pati sina Ejay Falcon, Yam Concepcion, Ron Morales at Louise de los Reyes.
Pinatawa ng komedyanteng si Jeffrey Tam ang mga sundalo sa kanyang magic tricks, habang nagpakilig sa kababaihan si Jhong Hilario sa kanyang dance number.
Nag-alay ng awitin at sayaw sina Yassi Pressman at Coco Martin.
Nagpugay rin sa katapangan at kagitingan ng mga sundalong Pilipino sina Susan Roces, Jaime Fabregas, Mitch Valdez, Angel Aquino, Sid Lucero at Mark Lapid.
Sina Malou Crisologo, PJ Endrinal, Marvin Yap at Long Mejia ang hosts ng programa.
Nakisaya rin ang ABS-CBN executives na sina Carlo Katigbak, Cory Vidanes, Laurenti Dyogi, Deo Endrinal, Jun Dungo at Kane Errol Choa sa programa, na ideya ng ABS-CBN news reporter na si Chiara Zambrano.
Para magpatuloy ang pagdadala ng aliw ng ABS-CBN sa mga sundalo, isang TV set at isang ABS-CBN TVplus ang ibinigay ng network sa ospital na iprinesinta kay Jean Año, ang maybahay ng AFP chief of staff na si Eduardo Año.
Naghanda rin ng grocery packages at personal care kits para sa mga sundalo ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya na ibinahagi ng cast ng FPJ’s Ang Probinsyano pagkatapos ng programa.
Ipinaalala ni ABS-CBN Integrated Public Service head Jun Dungo sa mga sundalo ang suporta ng ABS-CBN sa kanilang laban.
“Katuwang n’yo po kami, ang buong ABS-CBN sa adhikain na magkaroon ng mapayapang Pilipinas at magkaroon ng ligtas na lipunan ang kasalukuyang henerasyon at susunod na henerasyon.
“Saludo ang ABS-CBN at lahat ng Pilipino sa kagitingan, sa dedikasyon, at kabayanihan ng lahat ng Pilipinong kawal. Saludo kami sa inyo, sundalong Pilipino,” aniya.
Dagdag ni Coco, “Salamat sa ABS-CBN. Sila po ang aming nakakasama sa mga ganitong pagkakataon upang makapagbigay ng tulong at maiparamdam ang pagmamahal sa lahat ng Pilipino at sa mga sundalong katulad n’yo.
“Utang na loob namin ang buhay namin sa inyo dahil kayo ang tagapagtanggol ng ating bansa.
“Sana, sa simpleng paraan na ito ay napaligaya namin kayo.”
Panoorin ang programang Saludo sa Sundalong Pilipino online sa www.facebook/abscbnNews/.
***
MAPAPANOOD muli ng mga Pilipino ang dokyumentaryong Di Ka Pasisiil na nagpapakita ng mga kwento sa likod ng kaguluhan sa Marawi sa sa Sunday’s Best ngayong gabi, pagkatapos ng GGV sa ABS-CBN.
Umani ng maraming reaksyon ang dokyung gawa ng ABS-CBN DocuCentral mula sa netizen dahil sa mga imahe at panayam na napanood nila sa una nitong pagpapalabas sa ABS-CBN noong nakaraang Linggo ng hapon.
Tampok sa dokyu ang pagsasalaysay ng ABS-CBN news reporters na sina Chiara Zambrano at Jeff Canoy, na parehong nagbalita mula sa Marawi at nasaksihan ang paghihirap at pakikipaglaban ng mga residente at sundalo sa giyerang marami nang kinitil na buhay simula Mayo 23.
Naapektuhan ang mga manonood sa mga kuwento ng mga Pilipinong nananatiling may pag-asa kahit hindi masigurado ang kanilang kaligtasan.