Sa mga mahilig mag-search via Google, napansin n’yo ba ang signature doodle nito kahapon? Ang disenyo – caricature ng babaeng doktor habang ginagamot ang isang bata. Nakaka-proud dahil ang caricature design – isang Pilipino. Walang iba kundi si Fe del Mundo, isang siyentipiko.
Paraan ito ng Google para kilalanin at bigyang-pugay sa kanyang ika-107 birth anniversary ang namayapang Filipina physician.
Sa Maynila noong Nobyembre 27, 1911 isinilang si Del Mundo na naengganyo raw mag-aral ng medisina sa udyok na rin ng kanyang ate na hindi natupad sa kanyang sarili ang pangarap na maging doktora.
Nagtapos si Del Mundo ng Valedictorian sa College of Medicine ng University of the Philippines. Noong 1933, siya ang kauna-unahang Pilipinang nakapasok sa Medical School ng Harvard University sa Amerika. Siya rin ang unang babaeng nakapag-enroll sa prestihiyosong unibersidad.
Matapos makamit ang Pediatrics degree noong 1936, agad siyang kumuha ng Master’s degree in Bacteriology sa Boston University.
Hindi siya nagdalawang-isip na bumalik sa Pilipinas sa kasagsagan ng World War II. Buong puso niyang inialay ang sarili para gamutin at alagaan ang mga taong naapektuhan ng digmaan.
Tunay na Filipina role model si Del Mundo. Sa second floor ng Children’s Medical Center sa Quezon City siya namalagi. Sa edad na 99 at kahit pa naka-wheelchair, maaga siyang gumigising para mag-rounds sa ospital at tingnan ang kalagayan ng mga batang pasyente.
Si Del Mundo ang naka-imbento ng improvised incubator na yari sa bamboo – para magamit sa mga remote areas sa Pilipinas kung saan walang suplay ng kuryente.
Siya rin ang kauna-unahang babaeng ginawaran ng titulong National Scientist of the Philippines. Tumanggap din siya ng iba’t ibang parangal at pagkilala dahil sa kanyang outstanding humankind service.
August 6, 2011 nang pumanaw si Del Mundo. Iginugol niya ang kanyang buhay sa pag-aaruga sa mga batang pasyente.
Kaya dapat lang siyang kilalanin at bigyang-pugay.
Ang sa akin lang, huwag sanang makalimutan ng bagong henerasyon ang ambag ni Del Mundo sa larangan ng medisina. Patuloy pa itong pagyamanin para hindi mabalewala at masayang.