Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang gumising sa isang 12-anyos na batang lalaki at nang tingnan ay isang lalaki ang itinulak mula sa isang motorsiklo ng riding-in-tandem at pinaputukan sa C-3 Road, Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Sa salaysay ng saksi na hindi pinangalanan, ang bangkay ng lalaki na inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ay nakagapos ng packaging tape ang mga kamay at walang suot na pang-itaas.
Inaalam ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima gayundin ang mga nasa likod ng nangyaring krimen.
Sa kaugnay na ulat, napag-alaman kay PS/Supt. Johnson Almazan ng Caloocan City Police, alas-tres ng madaling-araw nang mahagip ng closed circuit television (CCTV) ang pagpatay sa biktimang inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Base sa kuha ng CCTV, may dumating na dalawang motorsiklo na ang isa ay may tatlong sakay, huminto umano ang mga ito sa kanto ng Maria Clara Street at 10th Avenue kung saan ay bumaba ang dalawang sakay ng isang motorsiklo kabilang ang nagmamaneho at hinatak ang isa pang sakay nito na walang pang-itaas na kasuotan at nakatali ang mga kamay.
Pagkababa ng mga ito ay makikita rin sa CCTV na nakahinto ang isa pang motorsiklong lulan din ang dalawa pang mga lalaki habang hinihintay ang dalawa pa nilang kasamahan.
Doon ay pinatalikod ang biktima saka pinaputukan ng tatlong beses sa likurang bahagi ng ulo nito bago umalis at iniwang wala nang buhay na nakadapa.
Sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) ay nasa anim na basyo ng bala mula sa hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang na-recover sa lugar kung saan pinaslang ang biktima na nakagapos ng packaging tape sa likod ang mga kamay.