Malupit na kamatayan ang pinalasap ng mga hindi pa kilalang suspek sa isang hindi rin kilalang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuang nakaposas ang mga kamay, tadtad ng tama ng saksak sa katawan at binigti ng pump belt sa Barangay UP Campus, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay PO3 George Caculba, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) may hawak ng kaso, ang biktima ay isinalarawan na nasa pagitan ng mga edad na 35 hanggang 40, nakasuot ng kulay itim na jacket at violet na short pants at tinatayang may taas na 5’4”.
Dakong alas-singko ng madaling-araw ng madiskubre ang biktima sa harap ng isang Stag Farm sa C.P Garcia, kanto ng Magiting, Barangay UP Campus, Quezon City.
Base sa pahayag kay PO3 Caculba ng isang Crispin Reyes, magbubukas sana siya ng kanyang tindahan nang makita ang walang buhay na biktima na naliligo sa sariling dugo habang nakasubsob sa sementadong kalsada, naka-posas ang mga kamay at may maliit na metal tube pipe at binigti ng pump belt.
Sa pagsisiyasat, lumabas sa cursory examination sa bangkay na nagtamo ang biktima ng mga malalalim na tama ng saksak sa dibdib at likod.
Hindi kilala ang biktima sa nasabig lugar, kaya may hinala ang mga awtoridad na maaaring dayo lang ito.
Pansamantala namang inilagak ang bangkay sa Pacheco Funeral homes para sa safe keeping.