Sama-sama sa panibagong pagsubok

Dahil hindi nape-predict ang eksaktong lugar, oras at araw ng pagdating ng lindol katulad ng ibang kalamidad ay binulaga ang ating bansa sa nangyaring pagyanig sa Surigao City nitong weekend.

Sa isang kisapmata ay nariyan ang panganib ng pag-uga ng paligid. Hindi na natin kailangang isa-isahin pa ang makagigimbal na dulot ng lindol. Sapat na marahil sabihin na kaya nitong puksain ang buhay at kabuhayan sa napakaikling sandali, segundo o minuto lamang.

Sa pagkakataong ito ay naririto na naman tayo at humaharap sa isang pagsubok dahil sa pinsalang inabot ng ating mga kababayan sa Surigao City kung saan ay naitala na sa pito ang patay at mahigit 100 ang sugatan. Bukod sa maraming kinitil na buhay ay maraming nasirang kabuhayan.

Mahirap hanapan ng salitang tutumbas sa ating kalungkutan lalo pa’t makikita natin sa telebisyon at mababasa sa pahayagan ang lawak ng pinsala. Mahirap hanapan ng katwiran ang sakunang ito.

Kaya naman hangad namin na sa panibagong pagkakataong humaharap tayo sa pagsubok ay pairalin natin ang ating pagkakaisa at pagtutulungan. Muli nating isapuso ang pagtulong sa kapwa.

Gumawa tayo ng sarili nating kaparaanan kung papaano tayo makakatulong sa ating mga kababayang labis na pinadapa ng sakuna.

Hangad naming katulad ng ipinamalas ng ating mga kababayan sa mga nagdaang mga kalamidad ay muling mabuhay sana at ma­ging masigasig ang volunteerism sa bawat isa sa atin.

Tumulong, hindi man personal na makapunta sa nasalantang lugar ay gawin natin ito sa anumang paraang magiging madali sa atin dahil anumang maibabahagi natin sa ating mga kababayan ay makapapawi sa traumang dulot ng kalamidad.