Dear Sir:

Habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang Charlie Company ng 40th Infantry Battalion sumabog ang improvised explosive device (IED) dalawang sundalo ang nasugatan sa Brgy. Timbangan, Shariff Aguak, Maguindanao.

Patuloy naman ang clearing operation ng militar.

Sa dami ng mga bandidong grupo ngayon hindi na matukoy kung sino ang may pakana nito.

Dahil sa ganitong pangyayari kinakailangan maging alerto ang mga mamamayan.

Maraming sibilyan ang walang kaalam-alam ang nadadamay sa mga bakbakan at mga insidenteng katulad ng mga pagsabog na ito.

Kaya naman, dapat maging alerto ang publiko, tulungan natin ang otoridad para na rin sa ating kaligtasan.

Sama-sama nating labanan ang terorismo sa pamamagitan ng pakiki­pagtulungan sa otoridad.

MARK R. TALLEDO
Cebu

***

Dear Sir:

Magandang pangitain ang paghimok ni Atty. Noor Hafizullah ‘Kirby’ Abdullah, kalihim ng Department of Local and Interior Government-ARMM.

Hinikayat niya ang mga local government units (LGUs) na proteksyunan ang mga Islamic scholars o ang mga Ulama, at ang mga constituents ng rehiyon laban sa banta ng mga teroristang grupo.

Gagawin ang summit kontra terorismo at iligal na droga upang masupil ang lumalaganap na banta ng terorismo at upang mapalakas ang tungkulin ng mga LGU sa pag-promote ng seguridad at kapa­yapaan.

Pagtutulungan at sinseridad ilan ito sa mga sangkap upang masupil ang patuloy na pagkalat ng banta ng terorismo sa ating bansa.

Naniniwala ang marami na ang bandidong grupo tulad ng Abu Sayyaf ay may malakas na pana­nalig sa kanilang relihiyon.

Kaya naman malaki ang posibleng maitulong ng mga Ulama upang bumaba ang bilang ng rekrut ng ASG at upang mahikayat ang ating mga kapatid na itigil na ang kanilang maling gawain.

NIKKI R. PABULAYAN
Fort Bonifacio, Taguig