Sama-samang walisin ang terorista

Bernard Taguinod For the Record

May kasabihan ang mga matatanda na ang walis tingting, kapag nag-iisa o iilang piraso lang gagamitin pangwalis, hindi nakakawalis pero kapag mas marami, mas magandang iwalis dahil siguradong mawawalis ang mga dumi na dapat walisin.

Sana maging isang walis ang sambayanang Filipino sa problema ng terorismo sa Mindanao para pagtulu­ngang walisin ang mga terorista na siyang pangunahing dahilan ng pagbagal ng pag-unlad ng Muslim Mindanao.

Sa mga hindi pa nakakapunta sa Mindanao, mas­yadong mayaman sa likas na yaman ang rehiyon pero hindi napapakinabangan dahil sa takot ng mga tao sa mga terorista laging banta sa seguridad.

Muslim man o Kristiyano, dapat magkaisa sa labang ito dahil kung hindi eh mananatili ang gulo sa Mindanao at hindi makakaahon sa kahirapan ang ma­yorya sa mga mamamayan.

Mga lider man ng bansa, oposisyon o taga-admi­nistrasyon; ordinaryong mamamayan man o ‘yung may mga pera; karaniwang manggagawa o mga ka­pitalista, Kristiyano ka man, Born Again Christian ka man, Muslim at anumang relihiyong pinaniniwalaan mo dapat magkaisa sa labang ito sa Mindanao.

Sigurado dapat muna nating bigyan ng pagkaka­taon na maipatupad nang maayos ang Martial law sa Mindanao dahil 60 days lang naman ito kaya ‘yung mga tumututol, baka naman puwedeng ikonsidera muna nila ang kanilang pagtutol.

Panahon na ng social media at madali na ang komunikasyon kaya ‘yung mga kinatatakutan nilang pang-aabuso ng military sa batas militar eh madaling malalaman kung magkakaroon man ng pang-aabuso.

Nauunaawaan ko ang pangamba ng mga biktima ng Martial law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos dahil sa dinanas nilang karahasan sa kamay ng militar lalo na ‘yung mga aktibista at nakikipaglaban para sa kaparatan ng mamamayan.

Pero wala pa yata sa panahon na ikumpara ang Martial law ni Marcos sa buong Pilipinas at Martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao at walang karapatang pantao ang mga Maute Group, ang Abu Sayyaf Group, ang BIFF at iba pang terotista sa Minda­nao tulad ng karapatan ng mga aktibista noong dekada 70.

Kung talagang walang silbi ang Martial law, bakit pa ini­lagay sa Saligang Batas ang probisyong ito? Bakit pa puma­yag ang mga gumawa ng 1987 Constitution na bigyan ng kapangyarihan ang pangulo na magdeklara ng Martial law?

Hindi ba ang 1987 Constitution ay bunga ng galit ng mga lider ng bansa kay Marcos kaya nang mapatalsik si Macoy noong 1986 ay agad na nagdeklara ng revolutionary government si dating Pangulong Corazon Aquino na nagpawalang bisa sa 1972 Constitution at pinalitan agad ito ng 1987 Constitution?

Kaya mag-iisip ka, bakit nga ba binigyan pa ng kapangyarihan ang pangulo sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas ng kapangyarihang magdeklara ng Martial law sa isang lugar lamang kung talagang walang silbi ito.

Kaya siguro magkaisa muna tayo. Huwag muna nating kontrahin ang ginagawa ng militar sa Minda­nao laban sa mga teroristang ito na wala nang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan.
Makipagtulungan na rin sana ang lahat ng mga tao sa Mindanao para matunton ang lahat ng mga terorista dahil kung hindi, ‘yung Lupang Pangako na tinatawag ay mananatiling Pangako. (dpa_btaguinod@yahoo.com)