Samar Cong Mila Tan guilty sa P16M corruption case — Sandiganbayan

“Guilty beyond reasonable doubt.”

Ito ang naging hatol ng Sandiganbayan laban kay Samar Congresswo­man Milagrosa Tan kaugnay ng maanomalyang pagbili ng P16 milyong halaga ng mga emergency supply noong 2001.

Batay sa desisyon na sinulat ni Associate Justice Alex Quiroz, anim hanggang 10 taon na pagkakakulong ang hatol kay Tan sa isang kaso ng graft habang walo hanggang 15 naman sa pito pang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kasama rin sa hatol kay Tan ang pagbabawal dito na tumakbo sa anumang posisyon sa gob­yerno, pero dahil puwede pang iapela ang kaso ay maaari pa siyang tumakbo sa pagka-gobernador sa May 13 elections.

Kasama rin sa hinatulang guilty ang kanyang mga kapwa akusado na sina Rolando Montejo at Reynaldo Yabut.

Pinawalang-sala naman sina Romeo Reales, Maximo Sison, at Numeriano Legaspi dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Upang hindi arestuhin, pinag­lagak ng Sandiganbayan 4th Division ng dagdag na P240,000 si Tan habang dinidinig ang apela nito.

Nag-ugat ang kaso sa isinampang reklamo ni Fr. Noel Labendia, ang parish priest ng Diocese of Calbayaog at founding lea­der ng Isog Han Samar Movement na isang anti-corruption group sa lalawigan.

Sa reklamo ni Labendia, nakipagsabwatan umano sina Tan na noon ay gobernador sa pag-apruba sa maanomalyang pagbili ng P16.1 milyong halaga ng mga emergency supply nang walang public bidding.

Kabilang din umano sa binili ay mga bigas at medical supply para sa mga biktima ng bagyong Kidang na nanalasa sa lalawigan noong 2001 subalit nadiskubre na ang mga request para dito ay ginawa bago pa manalasa ang nasabing bagyo.