Huling umeksit si Kirstie Elaine Alora, pambato ng Pilipinas sa Taekwando sa Rio Olympics.

Pero gagawin nitong aral ang talo at kung sakaling kaya pa ng katawan at may tiwala pa sa kanya ang mga opisyales ay muli itong susubok sa 2020 Tokyo Olympics.

“If our association still wants me to, I will try to qualify,” saad ng 26-anyos na si Alora.

Winagayway ni Alora ang bandila ng Pilipinas sa closing ceremonies ng Rio Olympics sa Maracana Stadium noong Linggo.

Tatlong oras ang itinagal ng event tampok ang Brazilian music, sayaw ng mga half-naked women na naka-Carnival costumes at Japanese Prime Minister suot ang Super Mario costume.

Maraming magagan­dang alaalang naganap sa Rio Olympics, ayon kay International Olympic Committee president Thomas Bach.

Ilan lang dito ang ipinakitang tikas nina Jamaican sprinter Usain Bolt at American swimmer Michael Phelps.

“History will talk about a Rio before and a much better Rio after these Games,” anang IOC president.

Para sa Pilipinas na nakapag-uwi ng silver medal mula kay weightlifter Hidilyn Diaz, kailangan paghandaan na ang susunod na laban – SEA Games, Asian Games at Tokyo.