Sampaloc, Maynila planong ikandado ng 2-araw

Umuugong umano ang posibleng pagpatupad ng total lockdown sa District 4 Sampaloc, Maynila para mapigilan ang pagtaas ng coronavirus disease 2019 (COVID19).

Ayon sa kumalat na info, planong i-total lockdown ang Sampaloc Disrict 4 simula alas- 8:00 ng gabi sa Lunes at tatagal hanggang Miyerkoles ng alas- 8:00 ng gabi.

Nalaman na ang Sampaloc ang may pinakamaraming kaso ng nagpositibo sa COVID 19.

Inaasahan na opisyal na iaanunsiyo ngayon araw( Linggo) ang lockdown kasunod nang gagawing pagpupulong ng mga zone chairman sa Manila Barangay Bureau (MBB).

Una nang iniutos ni Manila Mayor Francisco `Isko Moreno’ Domagoso ang lockdown sa Barangay 20 sa may Parola, Tondo matapos na makarating sa alkalde ang ginagawang pagpapaboksing at bingo ng mga tao sa lugar.

Magiging bantay-sarado ang lugar sa lockdown kungsaan walang tao na palalabasin sa kani-kanilang bahay maliban kung importante.

Nagbabala ang alkalde na makakasuhan ng paglabag sa Bayanihan Act ang sinumang hindi susunod sa kautusan. (Juliet de Loza-Cudia)