Ginunita kahapon ng Iglesya ang Pista ni San Anselmo ng Canterbury (1033-1109), ang itinuturing na “Scholastic Doctor” ng Simbahang Katolika at isa sa mga importanteng pantas noong Siglo XI. Naging tanyag siya dahil sa panukalang pruweba na may Diyos gamit ang “ontological argument” o pagkilala sa Poon bilang ‘that than which nothing greater can be conceived.’

Si Anselmo na pinagmulan ng kasabihang “fides quaerens intellectum” o ‘faith seeking understanding’ ay isang monghe, abad, pilosopo, teologo, Arsobispo ng Canterbury at Doktor ng Simbahang Katolika. Isa siya sa mga ‘all-time favorite’ na manunulat at palaisip ng mga estudyante ng pilosopiya at teolohiya dahil sa rami ng kanyang kontribusyon sa mga nasabing larangan.

Anak nina Gundulf de Candia at Eremberga de Ginevra mula sa angkang maharlika ng Piedmont, si Anselmo d’Aosta ay nabuhay nang ‘di mabuti sa kanyang kabataan dahil sa kagagawan ng kanyang ama. Subalit sa kanyang paglalakbay ay tumimo ang banal na hangaring maging monghe at sumapi sa monasteryo ni San Benito sa Bec, Normandy.

Dahil sa kanyang pagkadalubhasa sa siyensiya at pilosopiya, at sa maraming akdang naisulat niya, si St. Anselm ay kinilalang ‘Ama ng Pilosopiya Eskolastika.’ Sa kanyang mga libro, bakas ang impluwensiya nina San Agustin, Aristotle, Platon at Boethius. Ilan sa kanyang mga tanyag na kontribusyon sa literatura ay ang ‘Proslogion’, ‘Cur Deus Homo’ at ‘Monologion’.

Ayon sa Internet Encyclopedia of Philosophy, “In the course of his work and thought, unlike most of his contemporaries, Anselm deployed argumentation that was in most respects only indirectly dependent on Sacred Scripture, Christian doctrine and tradition.” Nilinaw niya ang termino na ginagamit sa diskusyon sa pilosopiya at teolohiya upang mas maunawaan lalo na sa mga bagay patungkol sa Diyos.

Sa kanyang ‘Ontological Argument’ paliwanag ni Anselmo na walang hihigit pa sa Diyos dahil Siya na ang “pinakamataas na ‘pagkaunawa’ na maari nating isipin.” At hindi maaaring manatiling kathang-isip lamang ang Diyos sapagkat, bilang pinakasukdulang ‘pagkakakilala’ sa natural na diwa, kinakailangang umiral Siya sa tunay na buhay o manatiling wari-wari lamang sa ating katalinuhan!

Diin ni San Anselmo, “God is ‘That than which nothing greater can be conceived’. If this is so, therefore God must not only exist in the mind. Or else, he will contradict himself as ‘That than which greater can be conceived. Hence, it follows that the Supreme Being is not only a pigment of our imagination, but must in reality, exit ‘extra-mentally!”

Marami ang kumontra sa panukala ni San Anselmo ukol sa Diyos, isa na ang kapwa-mongheng si Gaulino na nakipagdebate sa abad sa aplikasyon ng kanyang mga aral sa tunay na buhay. Naging mahaba ang pagpapalitan ng kuru-kuro ng dalawa. Sa huli, ibinahagi ni Anselmo sa katunggali ang napakagandang panalangin:

“Panginoon, ipagkaloob mo na malasap ko sa pag-ibig ang kinagigiliwan ko sa pag-iisip; na maramdaman ko sa puso ang aking natutunghayan sa isipan. Hindi ko hinahangad na maunawaan ang aking sinasampalatayanan kundi sumasampalataya ako upang lalo akong makaunawa sapagkat tiyak na hindi ako makakaunawa kung hindi muna ako sasampalataya.”

Marami ang nagsasabi na kahanga-hanga ang katahimikan at kaamuan ng santong ito sa kabila ng lahat ng mga hirap at sakit na kanyang dinanas; gayon na lamang ang kanyang ipinamalas na pagmamalasakit at pagmamahal sa mga maysakit at maralita; isa rin siya sa mga unang tumutol at nagbawal sa pagbibili ng mga alipin. Pumanaw si San Anselmo noong Abril 21, 1109.

San Anselmo, ipanalangin mo kami!