Mga laro ngayon: (Filoil Flying V Center sa San Juan City)
8:30 a.m. — LPU vs Mapua (m)
10:00 a.m. — LPU vs Mapua (w)
11:30 a.m. — Letran vs San Beda (w)
1:00 p.m. — Letran vs San Beda (m)
2:30 p.m. — Letran vs San Beda (jrs)

Misyon ng San Beda at Lyceum of the Philippines ngayong araw ang manalo sa kanilang mga katunggali upang palakasin ang kapit sa top four sa women’s division ng 92nd NCAA volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Haharapin ng Lady Red Spikers (4-2) at Lady Pirates (3-1) ang wala pang mga panalong Letran (0-5) at Mapua (0-5), ayon sa pagkakasunod.

Galing sa malaking upset win ang Lady Pirates matapos kaldagin at dungi­san ang defending champion College of Saint Benilde, 25-22, 24-26, 25-18, 20-25, 15-10.

“All we want is respect, that’s why we work and play hard,” wika ni LPU coach Emil Lontoc.

Si Cherilyn Sindayen ang bumibitbit sa LPU, may average 14 hits per game habang sina Czarina Pauline ­Orros at La Rainne Fabay ay nagbibigay din ng malaking tulong sa mga taga-­Intarmuros.

Sasalo ang LPU sa Arellano University sa third place kung mananalo sila ngayong alas-10:00 ng umaga, alas-11:30 naman ang simula ng laban ng San Beda at Lady Knights.

Sa men’s action, pakay ng San Beda (5-1) ang solo lead pagharap nila sa Letran (1-4) sa ala-una ng hapon habang katapat ng LPU (2-2) ang Mapua (2-3) sa unang laro sa umaga.