Mga laro sa Martes: (The Arena, San Juan)

12:00 nn. — Arellano U vs EAC (srs)
2:00 p.m. — San Sebastian vs LPU (srs)
4:00 p.m. — Perpe­tual Help vs St. Benilde (srs)

Sinakmal ng San Beda College Red Lions ang 22-point deficit upang manatiling malinis sa anim na laro sa 92nd NCAA senior men’s basketball tournament.

Nagsanib puwersa sa opensa sina Fil-Am Da­von Potts at Cameroo­nian Donald Tankoua upang tulungan ang Red Lions na kaldagin ang malulupit na Arellano University Chiefs, 101-86, kahapon sa The Arena, San Juan City.

Tangan ng Chiefs ang 36-14 abante sa second quarter, pero unti-unti itong hinabol sa Red Lions at 10 puntos na lang sa halftime, 47-37.

“Every time you are down, you have to dig deep,” wika ni San Beda coach Jamike Jarin.

Nagtala si Potts ng career-best 31 points habang may 28 puntos at 14 rebounds si Tankoua para ipalasap sa Chiefs ang kanilang pangalawang kabiguan sa limang laro.

Nagtabla ang iskor sa 72 sa third quarter bago kumana si transferee mula US NCAA Division II Cal State Potts ng 11 puntos sa fourth quarter para akbayan sa pa­nalo ang last year’s runner-up Red Lions.

Umiskor si Jio Jalalon ng 25 pts. para sa Arellano.

Sa unang laro, humarurot si Bright Akhuetie sa opensa at rebounds upang buhatin ang Perpetual Help Altas laban sa defending champion Letran Knights, 61-55.

Tumikada si Nige­rian import Akhuetie ng 21 points, 16 rebounds at tatlong blocks para isampa ang Altas sa 3-2 card at makabangon sa 70-88 pagkaluhod sa San Beda noong Martes.

“My job is to play. When I go in there, I try my best. It’s basketball, everyone should get chances,” wika ni Akhuetie na bumawi matapos ang malamyang 13 puntos nito sa huling laro ng Perpetual.

Samantala, sinungkit ng Mapua Cardinals ang pang-limang panalo sa anim na salang matapos kaldagin ang San Sebastian, 88-75, sa pangalawang laro.

Bumanat si reigning MVP Allwell Oraeme ng 13 pts., 22 boards at limang blocks para ilista ang 5-1 baraha ng Cardinals.

May kartang 1-4 naman ang Stags.