Nagsalansan si Liam Rasheed Salangsang ng 11 points, matikas ding rumesponde ang mga kakampi sa San Beda College-Rizal para kubabawan ang Notre Dame of Greater Manila, 32-27, nitong Linggo sa Best Center-organized SBP (Small Basketeers Philippines)-Passerelle twin basketball tournaments sa Xavier School Gym.

Nasa unahan ng Group A ng Small Basketeers Philippines ang SBC-R, kaakbay ang La Salle-Greenhills A na walang awang nilampaso ang Lourdes School of Quezon City, 62-22, sa isa pang laro sa Group A.

Nasa opening day games sina incoming Milo Sports Marketing Executive Lester Castillo at dating PBA star Benjie Paras na isang Best Center alumnus.

Sa Group B, tinalo ng Marist School ang LSGH-B, 41-33, biniktima ng Ateneo ang College of San Benildo-Rizal, 58-31.

Sa Passerelle, nasa Group A lead ang Nazareth School of NU at Adamson nang ipagwasiwasan ang San Sebastian College, 82-43, at LSGH-B, 59-42.

Dinomina ng SBC-Rizal ang St. Mary’s College, 111-31, binambo ng LSGH-A ang St. Anthony School, 95-64 sa Group B.