Ipinagdiriwang tuwing Mayo 19 ang Pista ni San Celestino V, ang kauna-unahang Papa na nagbitiw bilang tagapamahala ng Simbahang Katolika. Ipinanganak si Pietro Angelerio aka “Pope Celestine V” sa Sant’Angelo Limosna, Italy noong 1215, ika-11 sa 12 anak nina Angelo Angelerio at Maria Leone.
Mula pagkabata likas na madasalin at mapag-isa si Pedro. Sa edad na 20 nagsimula siyang mamuhay bilang monghe sa bundok ng Abruzzi, malapit sa Sulmona kung saan nanatili siya kasama ng kanyang binuong grupo ng mga monghe na tinawag niyang ‘Brothers of the Holy Spirit’ na kilala ngayon bilang Benedictine Celestines.
Taong 1294, matapos ang dalawang taong bakante ang trono ni San Pedro dahil sa hindi makasundong mga Cardinal sa pagpili ng bagong Papa, sumulat si Pietro sa Roma upang balaan sila sa nakaabang na parusa ng langit sa pagkakanya-kanya, politika at hindi pagkakaisa ng Simbahan.
Dahil sa ipinamalas na malasakit ng banal na ermitanyo, nagpasiya ang mga mga Cardinal na iboto at gawin siyang Santo Papa. Ipinasundo agad ng conclave ang bagong halal na Papa sa kanyang bundok at natunghayan nila ang isang 84-anyos na mongheng namamaga ang mata dahil sa kaiiyak dulot ng dalang balita.
Dalawang daang libong tao ang sumalubong kay Pietro Morrone sa Roma bilang bagong lider ng Simbahan. Nakasakay sa isang buriko, pumasok ang pobreng monghe sa Eternal City at malugod na tinanggap ng mga matatas na opisyal ng Simbahan at karatig na mga kaharian. Pinili niya ang pangalang Celestino V.
Dahil sa kakulangan sa kaalaman sa Batas ng Simbahan at Latin, naging malinaw sa simula’t simula pa na walang kakayahan ang banal na ermitanyo sa pamamalakad ng Simbahan. Matapos kunsultahin ang mga eksperto sa Canon Law, nagpasya si Pope Celestine V na magbitiw at magbalik na lang sa kanyang simpleng buhay sa bundok.
Disyembre 13, 1294 pinulong ni Celestino V ang mga Cardinal at sa gulat ng tanan, isa-isang hinubad ang marangal niyang kasuotan bilang Papa matapos basahin ang Solemn Declaration of Abdication, humihingi ng paumanhin sa kanyang mga pagkakamali sa nakalipas na limang buwan at panalangin na makapili agad ng karapat-dapat na kapalit.
Suot ang kanyang dating abito bilang monghe, ninais ni Celestino V na magbalik sa kanyang komunidad. Gayunman, pinigilan siya ng bagong Papa na nag-utos na manatili ito sa Vatican kung saan ‘di kalaunan siya ay binawian ng buhay. Pagkalipas ng 17 taon, itinanghal agad siya bilang santo ng Simbahan.
San Celestino V, ipanalangin mo kami!