Natengga ang 3rd Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan 2019-20 Playoffs dahil sa pamiminsala ng coronavirus disease 2019 pandemic (COVID-19).
Huminto rin sa trabaho ng mga empleyado ng nasabing liga tulad ng staffs, referees, table officials at iba pa na sumasahod lang sa kada may laro ang liga
Kaya naman siniguro ni San Juan-Go For Gold Team Governor Chris Conwi na may tulong silang ibibigay sa kanilang mga kawani.
Sinimulan na ni Conwi ang donation drive na tinawag niyang “COVID-19 Bayanihan sa MPBL.” At hinikayat ang ibang pang kapwa team owners na magbigay ng pinansyal na suporta sa mga MPBL non-regular employee.
“I made a note in our group chat with the team owners. Any amount will do to help our MPBL staff who are paid on a per-game basis,” saad ni Conwi.
Naging matagumpay ang panawagan ng opisyal dahil rumesponde agad sina Atty. Brando Viernesto, Emmer Oreta, Sarangani coach John Kallos, Nueva Ecija owner Bong Cuevas at team manager Jai Reyes, Rizal part-owner Jowell Conde, Makati owner Paolo Orbeta, Go For Gold godfather Jeremy Randell Go, Bacoor Team Gov. Dennis Abella, Simon Mangio ng Pampanga, Biñan vice mayor Angelo ‘Gel’ Alonte, Claudine Bautista ng Davao Occidental, Zamboanga owner Anita Kaw, Sam Lato ng Valenzuela, Jemina Sy ng Muntinlupa, Onyx Crisologo ng Quezon City, Ruby Navarro ng Imus, Justin Tan ng Mindoro, Mark Tan ng Bicol, Iloilo part owner JJ Javelosa, Joan Villafuerte ng Parañaque, Jun Reyes ng Bulacan at MPBL commentators Cedelf Tupas, Christian Luanzon, at Martin Javier.
Umabot na sa mahigit P330,000 ang nalikom, natanggap ng halos 80 employees ng liga ang ayuda na idinaan sa kanilang Money Padala accounts.
Pinaalalahanan ni Conwi ang staff at fans ng MPBL na mag-ingat para hindi makapitan ng COVID-19. (Elech Dawa)