San Miguel Beer advance mag-isip

Itinigil na pansamantala ng San Miguel Beermen ang practice sessions nila Huwebes pa lang, ilang oras bago maglabas ng memo ang PBA para sa lahat ng teams na huwag munang mag-ensayo kahit closed doors.

Inabisuhan din ang mga club na wala munang tune-up games.

Alinsunod pa rin ito sa direktiba ng gobyerno na iwasan ang mass gatherings, huwag munang magtipon-tipon sa iisang lugar para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.

Huling practice na ng Beermen noong Huwebes.

Miyerkoles ay sinuspinde ng PBA ang Philippine Cup “until further notice” o kung kailan wala nang banta ng COVID-19.

“For two weeks,” ang sabi ni commissioner Willie Marcial sa memo na wala munang ensayo.

Magtatapos ito sa March 27, pag-aaralan muli kung palalawigin pa o kung puwede nang ibalik.

San Miguel at Magnolia pa lang ang nakakalaro sa 45th season sa rematch ng all-Filipino finals noong isang taon na ipinanalo ng SMB para sikwatin ang five-peat.

Tinalo ng Beermen ang Hotshots 94-78 noong Linggo, opening night sa Smart Araneta Coliseum. (Vladi Eduarte)