San Miguel Corp minadali mga supplier ng P500M PPE

Kinalampag na ng San Miguel Corporation (SMC) ang mga supplier nito sa buong mundo para makabili ng P500 milyong halaga ng mga personal protective equipment (PPE) na ipamimigay sa mga doktor, nurse, at iba pang healthcare workers para hindi sila mapahamak habang sinasagip nila ang buhay ng mga COVID-19 patient.

Sabi ni SMC president at COO Ramon S. Ang, mahalagang makuha na agad ang mg PPE kayat sinasalo ng SMC ang pagkuha nito para sa mga healthcare workers bilang suporta sa pamahalaan.

“It’s very crucial that we get more PPE-protective masks, gloves, surgical gowns, among other—out there as fast as we can…our healthcare workers and government responders are risking their own lives to save ours but they are running out of equipment to protect themselves,” sabi ni Ang.

Nanawagan ang SMC sa mga manufacturer na tingnan ang kanilang mga planta at ayusin ang mga ito para makagawa ng mga PPE o `di kaya’y lakihan ang produksyon ng mga kagamitan na kailangan sa paggawa nito.

Nauna nang nag-retool ang SMC ng planta nito para matugunan ang pangangailangan ng bansa sa mga disinfectant.

Tinigil nito ang paggawa ng gin para makapag-produce ng ethyl alcohol dahil nagkakaubusan na nito sa bansa.

Nakiusap din si Ang sa pamahalaan na gabayan ang mga kompanyang tutulong para malaman kung ano ang mga specification at standard na kailangan sa paggawa ng mga PPE.

Sabi ni Ang, ginagamit na nila ang kanilang network ng mga supplier sa buong mundo ngunit maaaring magkulang pa ito kaya’t nanawagan siya sa mga local supplier na lumapit.

Sabi ni Ang, bibilhin ng SMC ang kanilang mga produkto para agad na itong madala sa merkado. (Eileen Mencias)