San Miguel ‘di susukuan si CJ

Hindi natuloy ang inaasahang malaking trade sa pagitan ng Columbian Dyip na siyang humahawak sa tinanghal na 2019 Rookie of the Year na si Christian Jaymar Perez at ang naghahangad muling makagrandslam na San Miguel Beer matapos maganap ang indefinite suspension sa ika-45 taon ng Philippine Basketball Association (PBA).

Nagwagi ng naghahangad sa ikaanim nitong All-Filipino Cup title na San Miguel Beer sa pagbubukas ng liga kontra kapatid na Magnolia Hotshots subalit ito lamang ang tanging naisagawang laban ng liga matapos tuluyan na magdeklara ang pamunuan na pansamantalang itigil ang torneo dahil sa panganib na dala ng coronavirus. Napag-alaman sa isang player’s agent na nais sanang mapanood ng mga namumuno sa Beermen ang ilang laro ng dating Lyceum Pirates na si Perez sa ginaganap na season bago tuluyang magdesisyon sa inaasam na trade.

Gayunman, inaasahang hindi magaganap ang posibleng pagpapalitan na kinasasangkutan ni Perez patungo sa mga Beermen dahil sa hindi pa malaman kung kailan magbabalik at muling maisasagawa ng liga ang mga itinakda na nitong laro sa buong taon. “Direct order from top official na sa SMC team lang mapunta,” sabi ng agent.

“They will wait and see first the few games and then make a decision after a few games, kaso na-postpone ang mga laro eh.”

Katatapos lamang ni Perez na magwagi ng Rookie of the Year honor sa ginanap na pagbubukas ng liga habang kabilang din ito sa First Mythical Team upang halos matamo ang mahirap maisagawa na mapagwagian ang tangi na karangalan na makapagwagi ng Rookie of the Year at Most Valuable Player sa liga. (Lito Oredo)