San Sebastian Lady Stags sumiksik sa unahan

Tinapos ng San Sebastian ang Mapua sa tatlong sets, 25-13, 25-17, 25-13, upang ilista ang two-game ­winning streak at makisiksik sa unahan ng team standings sa  women’s division ng 92nd NCAA volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan City kahapon.

Nagtala sina Katherine Villegas, Nikka Mariel Dalisay at reigning back-to-back MVP Grethcel Soltones ng siyam, walo at pitong puntos ayon sa pagkakahilera upang isalo ang Lady Stags sa four-way tie sa top spot.

Kasama ng Baste sa unahan na may tiglawang panalo ang defending champion College of Saint Benilde, San Beda at  Lyceum of the Philippines Lady Pirates na kinaldag ang Jose Rizal Lady Bombers, 25-23, 25-10, 25-21, sa huling laro ng women’s division.

Bumanat si Czarina Orros ng 12 puntos para sa Intramuros-based squad LPU habang sina La Rainne Fabay at Cherilyn Sindayen ay umiskor ng 11 at 10 markers ayon sa pagkakasunod.

Nalasap ng Lady Bombers ang unang talo sa dalawang laro, sina Karen Montojo at Shola Alvarez ang tumipa ng 13 at 10 points para JRU.

Namuno sa opensa para sa Lady Cardinals si Katrina Racelis matapos ipinta ang eight points.

Samantala, tinaob ng Mapua ang San Sebastian, 25-19, 23-25, 25-22, 25-21, sa men’s side upang ­samahan ang San Beda sa unahan ng team standings.

Nilista ni Angelo Jose Pertierra ang 17 points para sa Cardinals habang may 13 at 12 markers sina ­Raven Evangelista at Alfredo Pagulong.

Sa juniors’ action, kinalos ng reigning titlist Perpetual Help ang San Beda, 25-16, 25-14, 25-12, para ­masolo ang unahan hawak ang 2-0 card.