Nakakapanlumo talaga ang sitwasyon ng buong mundo. Isipin mo na lang na, sa kasukdulan, ay maaring makitil ng sakit na ito ang buhay ng lahat ng tao sa buong mundo. Palagay ko, sapat na ang pag-iisip na ito para ang lahat ay magbigay atensyon sa paggawa ng kabutihan para sa kapwa.
At ganito nga ang nakikita at nararanasan natin sa maraming tao at mga kompanya. Nakakatuwang malaman na ang mga indibidwal ay naghahanap ng mga kapamaraanan para sila ay makatulong. Andiyan ang ipagluto nila ang mga medical workers at mga frontliners, andiyan yung magtahi ng face mask o gumawa ng mga katumbas na mga gamit pang-proteksyon, andiyan ang mga naghahatid-sundo sa mga kailangang pumasok, andiyan din ang mga may-ari ng kompanya na nagtuloy ng mga sweldo ng kanilang mga tao sa kabila ng walang trabaho, andiyan din ang mga bangko at ibang mga kompanya na nagbigay ng palugit sa pagbabayad sa kanila, at marami pang ibang halimbawa.
Totoo na ang krisis at oportunidad ay mag-pinsan. Ang iba ay doble kayod sa pagsasamantala sa sitwasyon upang magkamal ng pera o para lumawig ang poder at impluwensya. Inaakala nila na patuloy nilang maikukubli ang kanilang katiwalian sa pagbikas ng mga salitang may tunog ng pakikiramay sa sambayanan o sa mga kinikilalang bayani na mga health workers at ibang mga frontliners. Nawa’y tumigil na sila, kahit panandalian lamang, upang mangibabaw ang mga tunay na boses ng pagmamalasakit.
Kapansin-pansin ang mga ginagawa ng Ayala group, na nagmamay-ari ng mga kompanya na ating tinatangkilik sa araw-araw. Nabasa ko na sila ay maglalaan ng P2.4 bilyon bilang tugon sa COVID-19. Kasama dito ay ang pagpapatawad ng mga upa sa kanilang mga malls, pagbibigay ng mga iba’t ibang uri ng ayuda sa kanilang mga empleyado habang umiiral ang quarantine.
Nauna pa dito ang pamimigay ng mga iba’t ibang mga supplies na kailangang kailangan sa mga ospital para sa mga taong humaharap sa mga pasyente ng COVID-19 at nakalagay sa mapanganib sa sitwasyon.
Ilang araw pa lang nakakaraan ay inanunsyo ang tinatawag na “Proyektong Ugnayan” kung saan maglilikom ng halagang P1.5 bilyon para mabigyan ng P1,000 gift certificates ang mahigit 1 milyung sambahayan na nabibilang sa maralitang lunsod ng Metro Manila.
Ang halagang ito ay manggagaling sa dalawampung nangungunang grupo ng mga negosyante na kinabibilangan ng: Aboitiz Group, ABS-CBN/Lopez Group, Alliance Global group at Megaworld, AY Foundation at RCBC, Ayala Corporation, Bench/Suyen Corp., Century Pacific, Concepcion Industrial Corp, DMCI Group of Companies, Gokongwei Group of Companies/Robinsons Retail Holdings, ICTSI, Jollibee, Leonio Group, Mercury Drug, Metrobank/GT Capital, Nutri-Asia, Oishi/Liwayway Marketing Corp., PLDT/Metro Pacific Investments Corporation, Puregold, San Miguel Corporation, SM/BDO, Sunlife of Canadan, at Unilab.
Ang mga ganitong uri ng mga adhikain ay nakakatulong sa pagbibigay ng kapanatagan sa mga Pilipino. Naiisip at nararamdaman nila na sa harap ng mga ganitong panahon kung saan sinusubok ang ating tiwala sa sistema at maging sa isa’t isa ay mayroong mga tao o grupo na handang magmalasakit at ilagay ang kanilang pera kung saan ang kanilang bibig.
Salamat sa pagkabukas-palad nila. Sana all.