Sana ‘di ningas kugon

Tuloy-tuloy ang pagdating ng mga tulong sa mga kababayan natin na nasalanta ng tatlong magkakasunod na lindol sa Mindanao.

Sa pagbabalik-ses­yon ng Senado, prayoridad sa pagtalakay sa 2020 proposed national budget ang paglalaan ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng kalamidad.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, bukod sa pondo para sa rehabilitasyon sa mga nasalanta ng kalamidad, authorized ang Pangulo na mag-augment ng pondo basta walang cross-border realignment.

Puwedeng kumuha ang Pangulo ng pondo mula sa Special Purpose Fund para idagdag sa inilaan na disaster response fund.

Puna ni Lacson, kapag may mga kalamidad, pursigido lahat – gobyerno, concerned citizens na walang hangad kundi makatulong.

Unang linggo, u­nang buwan, tapos nakakalimutan na.
Nasabi ito ni Lacson dahil bilang head noon ng Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR), ang frustration niya ay hindi umusad ang tunay na rehabilitasyon sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda kahit bumaha ang maraming tulong at donasyon.

Ayon kay Lacson, nang siya ang PARR sa Haiyan o Yolanda, ang inirekomenda niyang pondo kay da­ting Pa­ngulong Noynoy Aquino ay P167 billion.
Sabi ni Lacson, “‘Pag naglalaan ng pondo ang DBM even after 2014, napakaliit ng pondo. Papaano mare-rehab ang Yolanda?”

Dagdag pa ni Lacson, “Nangyari uli ‘yan sa Marawi. Sa umpisa pa lang, napakara­ming gustong tumulong, gobyerno lahat naka-focus doon, pagkatapos ng 1-2 buwan nakakalimutan. I hope itong Mindanao – Davao at Cotabato, huwag naman sana uli ganoon kasi ito ang sakit ng gobyerno.”

Sa totoo lang, ilang taon na ang nakalilipas, hanggang ngayon ay nakatiwangwang ang mga proyektong pabahay sa mga biktima ng Yolanda.
Kaya hindi maiwasan na pagdudahan kung uusad din ang rehabilitasyon sa mga nasalanta ngayon ng lindol sa Mindanao.

Pero sa ngayon, mahalaga na dumating pa rin ang tulong sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao at sana ipakita ng Duterte administration na uusad ang rehabilitasyon nang hindi lilipas ang maraming taon.