Sugal ang numero unong libangan ng ating mga kababayan partikular ang mga nasa laylaying bahagi ng ating bansa kung saan napakarami ng mga mahihirap at itinuturing na itong kultura.
Kahirapan at kawalan ng pagkakakitaan kaya marami ang sumasandal na lamang sa kung ano-anong sugal at pinanghahawakan ang pagbabakasakali na baka isang araw ay dapuan ng suwerte.
At ito ang kulturang sinasamantala ng mga gambling lord sa ating lipunan na sobrang yayaman na dahil lamang sa pagtatayo ng kung ano-anong sugal na puwede sa mahirap.
Lahat ng umiiral na sugal sa buong bansa ay dinisenyo hindi para sa mga mayayaman dahil ang mga big time na sugarol sa ating bansa ay sa mga ligal na pasugalan nagpupunta, tulad ng casino.
Ito ang dahilan kaya naglipana ang jueteng, video karera, saklang patay, peryahan at mga kahalintulad na pasugal na ultimo mga bata ay biktima dahil sa napakamura ng taya.
Ang jueteng kaya hindi napapansin dahil umiikot lamang ang kubrador at sa halagang P5 ay maaari ka nang tumaya at tumama ng malaki kaya ang bawat mahirap ay madaling maengganyo.
Ngunit hindi natin namamalayan na dahil buong bansa na halos ang operasyon ng mga sugal na ito ay milyon-milyong piso ang kinikita rito araw-araw ng mga gambling operator.
At ito ang nais buwagin ngayon ng bagong upong chief ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Archie Francisco F. Gamboa na matigil ang lahat ng iligal na sugalan sa bansa, dahil alam naman nating lahat na hindi ito iiral ng walang basbas ng PNP at lokal na opisyal ng pamahalaan.
Dahil dito ay ipinag-utos ni Gamboa ang ‘no take’ policy sa kanyang mga pulis partikular sa mga opisyal na oras na mapatunayang tumatanggap ng lagay ay sisibakin at mahaharap sa kasong administratibo.
Maganda ang hakbang na ito ni Gamboa ngunit nais ko lamang ipaalala na hindi lang siya ang naitalagang chief PNP na nangarap gawin ‘yan at nagtagumpay naman, kaya lamang ay sa umpisa lang.
Karaniwan ay binubulabog lamang ng mga pulis ang mga sugalan at totoong kayang pahintuin ngunit makalipas ang ilang linggo ay unti-unti nang nagbabalikan sa operasyon ang mga iligal na sugalan dahil sa dami ng mga opisyal na lumalakad.
Dito natin masusubakan kung totoong seryoso talaga si Gamboa na patigilin ang illegal gambling at kung totoo ang kanyang kautusan na ‘no take’ policy sa kanyang mga tauhan.
Sa panig ng sambayanan, napakadaling malaman kung tumatanggap na ng lagay ang PNP kasi may mga sugalan na naman sa mga sulok-sulok ng barangay at pati sa lamay ay may mga pasugal tulad ng sakla.
Hindi na rin kasi pinaniniwalaan ang mga naglalabasang balita na may mga nahuhuli sa illegal gambling dahil madalas ay senaryo lang ito para palabasing may nahuli ngunit hindi totoo ang mga pagkakakilanlan ng mga ito para kapag nagpiyansa ay absuwelto na.
Pero ako, buo ang pag-asa ko kay Gamboa na seryoso ito na ayusin ang PNP tulad ng mga sinibak niyang opisyal ng PNP na sa oras ng trabaho ay nahuli niyang naglalaro ng golf.
Buti nga!