Dear Sir,
Nakakabahala at nakakalungkot isipin na kabilang na pala tayo sa limang bansa na may pinakamataas na bilang ng pag-atake ng mga terorista. Ayon sa US State Department nasa ika-limang rangko ang Pilipinas. Nasa 55 porsyento umano ng 11,072 na pag-atake ng mga terorista ay naganap sa mga bansang Iraq, Afghanistan, India, Pakistan at kabilang na ang ating bansa dahil sa pag-atake ng Maute sa Marawi maging ang Abu Sayyaf group sa ibang lugar sa Mindanao.
Sana mamulat na ang ating mga kababayan na naliligaw ng landas na nabahiran ng maling ideolohiya at nasabuyan ng maruming impluwensiya ng mga teroristang grupo. Maging ang New People’s Army na tinagurian na rin ng Pangulo na teroristang grupo ay nakitaan naman ng pagdami ng mga miyembro nito na sumuko sa awtoridad. Ito ay matapos nilang mapagtanto na walang kahihinatnan ang kanilang sakripisyo, hirap at pagtitiis sa mga kabundukan.
Maubos man ng ating kasundaluhan ang mga terrista sa Mindanao at mga rebeldeng grupo sa ating bansa, muli’t muli ay uusbong ito dahil sa ideolohiyang kailangang mapuksa sa isipan ng mga maralita. Huwag na sana nating hintayin na ang ating bansa ang manguna sa listahan ng mga pag-atake ng terorista. Huwag nating isawalang bahala ang nakakaalarmang bagay na ito, dahil ang terorismo ang siyang maglulugmok sa mamamayang Pilipino.
DANA R. DEL ROSARIO
Camarines Norte
***
Dear Sir:
Matapos ideklara ang Martial Law sa buong Mindanao, pinatotohanan na ng Armed Forces of the Philippines na target din ng Martial Law ang New People’s Army at ang mga sindikato ng droga.
Ayon pa sa AFP bahagi ng kanilang tungkulin na pababain ang kapabilidad ng NPA. Hindi rin ligtas sa Martial Law ang mga masasamang loob na nagbebenta at suki ng ilegal na droga. Ang lahat ng ito ay pagkakataon upang isang bagsakan na malikom ang mga masasamang budhing naliligaw ng landas.
Malaki ang paniniwala ng AFP na ang droga ang sumusuporta sa rebelyon, kaya naman nararapat lang na masupil hindi lamang ang mga terorista kundi pati na rin ang mga may kinalaman sa ilegal na droga.
ALBERT R. NAYOR
Bicol