Sana marami pang Samaritano ang tumulong sa Marawi

Letter To The Editor

Dear Sir:

Kamangha-mangha ang taong nasa likod ng pagbibigay ng donasyon sa mga pamilya ng mga sundalong nasawi sa Marawi.

Hanggang nga­yon kasi ay nananatiling lihim ang katauhan nito, hindi niya ipinapangalandakan ang binibigay niyang tulong upang tinga­lain siya.

Marahil sa panseguridad na rin na dahilan, ngunit kakaiba talaga. Dahil nasa 98 milyong piso na ang kanyang naipapamahagi sa naulila ng mga sundalo.

Batid natin na hindi matutumbasan ng halaga ang bawat buhay na isinasakripisyo ng mga sundalo para sa ating lahat at sa ating bayan.

Ngunit sa pagkakataong ito sana marami pang sama­ritano ang magpaabot ng kahit simpleng tulong para sa ating mga kababayang biktima ng terorismo at sa mga naulila ng ating mga sundalo.

Louch Aquino
Bataan

***

Dear Sir:

May nakalaang pabuya para sa bawat te­rorista at rebeldeng NPA na mahuhuli o mapapatay.

Nagkaisa ang mga local government unit na magbigay ng pabuya para masakote ang mga te­rorista at rebelde na naghahasik ng lagim at walang takot na pumapatay ng mga sundalo, pulis ma­ging sibilyan.

Idineklara ni Pangulong Duterte ang pabuya matapos na tambangan ng NPA ang anim na pulis sa Negros Occidental.

Isa ito sa paraan na nakita ng Pangulo upang isuplong ng mga taong natatakot ituro kung saan nagkukubli ang mga rebelde.

Sana hindi lang pabuya ang hangad ng sinumang magsusuplong sa mga rebelde at terorista, sana makiisa sila sa layunin ng pamahalaan na mawakasan ang terorismo at rebelyon sa ating bansa.

Mark Talledo
Cebu

***

Dear Sir:

Magandang balita ang pagkakaisa ng mga asyanong bansa sa pagpuksa sa iligal na droga at tero­rismo.

Ang ASEAN mismo ay nangako na pana­natilihin ang pagpapalawig ng kapayapaan, seguridad at stabilidad kasama na rin ang mapayapang pagresolba sa usapin ng mga teritoryo ayon sa internasyunal na batas.

Ang Australia at Amerika maging ang Japan naman ay hinikayat ang mga li­der ng mga bansa na maki­pagtulungan na labanan ang terorismo.

Ang pagkakaisa hindi lamang ng ASEAN kung di ng iba pang bansa ay may maitutulong sa pagsugpo sa lumalaganap na terorismo.

Batid naman natin na hindi lang bansa sa Asya ang may sigalot sa terorismo, patunay na dyan ang Mosul. Kaya bilang mamamayan dapat lang na sa ating komunidad palang ay mayroon ng tulungan.

Jersan Arguilles
Mindoro

***

Dear Sir:

Pansamantalang ihininto ang P1-billion Panga­sinan-Nueva Vizcaya road project dahil sa umaali­gid na mga miyembro ng New People’s Army.

Ipinasuspinde ng Philippine National Police (PNP) and the Armed Forces of the Phi­lippines (AFP) para na rin sa kaligtasan ng nasa 100 manggagawa nito.

Tama lang na isaalang-alang ang mga manggagawa dahil sa banta ng NPA na maaring umatake sa oras na naisin nito.

Dapat rin si­guro na may mga ita­lagang pulis sa nasabing lokasyon para hindi na maantala ng sobra ang pag papagawa sa kalsadang ito upang mapakinabangan ng mamamayan.

Sa ginagawang mga pag atake ng NPA hindi malabong isa ito sa tinitiktikan nilang sunugin.

Kaya sa mga panahong ito hindi na talaga kailangan ng gobyerno na ituloy pang muli ang peace talk dahil malinaw pa sa sikat ng araw na patuloy pa rin ang pagtatangka ng NPA na magkalat ng lagim.

Jamaica Rey
Compostela Valley