Sana nga patapos na ang gulo sa Marawi

Magbibilang na lang ang araw ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte ay matatapos na ang giyera sa pagitan ng tropa ng gobyerno at teroristang grupong Maute sa Marawi City.

Kasabay ng nalalapit na pagtatapos ng giyera ay sinabi ni Pangulong Duterte nang dumalaw nitong Huwebes sa Marawi City na magtatapos na rin ang pagsasakripisyo ng mga sundalong sumasabak sa bakbakan.

Maliban sa mga sundalong sumasabak sa giyera ay tiyak na mabubunutan ng tinik sa napipintong pagtatapos ng karahasan ay ang mga mamamayan ng Marawi City na gustung-gusto nang makabalik ng kanilang mga bahay upang makapamuhay na muli ng normal.

Hangad natin ang katapusan na ng giyera sa Marawi City dahil mahaba-habang panahon na rin itong nangyayari.

Dala ng matagal-tagal nang pagsiklab ng giyera ay maraming buhay na rin ang nalagas sa panig ng gobyerno, mga sibilyan, gayundin sa kampo ng teroristang grupo.

Sana kasabay nalalapit na katapusan ng giyera ay wala na ring madagdag na bilang ng casualty mula sa panig ng gobyerno at sibilyan.

Alam nating wala pang tiyakan kung hanggang kailan matatapos ang kaguluhan pero dahil ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nasa halos sampung ektarya na lamang ang nasasakop ng galamay ng teroristang grupo ay naniniwala tayong natatanaw na ang katapusan ng giyera upang manumbalik na ang kaayusan at kaligtasan sa Marawi City.