Mistulang unti-unti nang dumidistansiya ang Pilipinas sa Estados Unidos matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatapos ng joint military exercise ng US at Pilipinas.
Ang anunsyo ay ginawa ng Pangulo sa harap ng Filipino community sa kanyang working visit sa Vietnam.
Dahil sa pagtatapos ng joint military exercise ay magiging panghuli na ang idaraos na Balikatan Exercises ng US at PH troop sa Oktubre 4 hanggang Oktubre 12.
Kinikilala natin ang desisyong ito ng Pangulo ng ating bansa. Pero ang sa amin, sana ay sariling desisyon ito ng Pilipinas at hindi dahil dinidiktahan ito ng ibang bansa na mahigpit na katunggali ng US, ang China.
Nabanggit kasi ng Pangulo sa kanyang talumpati na tinatapos na niya ang US-PH military exercise dahil hindi kursunada ng China ang US-Philippines joint military exercises.
“So I’m serving notice now to the Americans and to those who are allies: I will maintain the military alliance because there is an RP-US Pact which our countries signed in the early ‘50s. But I will establish new alliances for trade and commerce and you are scheduled to hold war games again, which China does not want. I would serve notice to you now that this will be the last military exercise. Jointly, Philippines – US, the last one,” bahagi ng pahayag ng Pangulo.
Ang mensaheng ito ng Pangulo ay maaaring magdulot na naman ng kontrobersya pero sana ay walang negatibong epekto itong hatid sa sambayanang Filipino dahil lalabas na namang walang sariling desisyon ang ating lider, kung tinatapos ang isang ugnayan dahil sa kagustuhan ng isang kalabang bansa.