Dear Kuya Rom,
Ako’y 20 years old, siya 19. Parehas kaming nasa college. Ako ay second year, siya first year. Nakatira kami sa isang apartment na may room for rent.
Ako sa isang kuwarto, siya sa kabila. Ako ay umu-order ng pagkain sa labas, siya nagluluto. Nagsasabay kaming kumakain.
Madalas kaming magkuwentuhan. Naging magkaibigan kami. Naging best friend ko siya.
Sabi niya, best friend din niya ako.
Naging very close kami, at isang araw na solo namin ang apartment, may nangyari sa amin. Naging madalas ito, patago, at parang mag-asawa na kaming dalawa. Kulang na lang ang kasal. Pakiramdam ko, hindi na ako mabubuhay na wala siya.
Parehas kaming dalawa, first time namin ito. Wala kaming alam sa relationships. Siya ang most important person sa buhay ko ngayon. Gusto ko sanang magpatuloy kaming magsama. Sana’y forever. That would be great.
Pero parang hindi ako handa. Wala sa loob ko ang commitment. Hindi ko masabi sa kanya ito, kasi ayaw kong masaktan siya. Kahit wala akong commitment, ayaw kong magkaroon ng relationship sa iba.
Magkasama kami sa kanyang kuwarto kagabi. May nangyari na naman sa amin. Sabi ko sa sarili ko, mula sa araw na ito, susubukan kong parang friend ko lang siya.
Walang flirting at sex. Pero paano kung tanungin niya ako kung anong nangyayari sa akin? Bakit para akong nagbago? Paano ko sasabihin ang gusto kong sabihin sa kanya na hindi siya masasaktan? — Henry
Dear Henry,
Humingi ka ng date sa kanya. Kumain kayo sa labas. Tulad ng dati, makipagkuwentuhan ka sa kanya. Simulan mo sa pagsabi sa kanya kung gaano mo pinahahalagahan ang pagkakataong makilala siya at naging kaibigan mo siya.
Sabihin mo sa kanya na siya ang most important person sa buhay mo, kaya iniingatan mo siya.
Sabihin mo sa kanya na nagsisisi ka, sapagkat hindi mo naingatan ang kanyang pagkadalaga. Kaya ngayon, gusto mong magpakabait sa kanya, walang sex muna hanggang hindi pa kayo mag-asawa.
Ang turo ng Biblia ay ito: Ang sex ay para lamang sa mag-asawa. Sabihin mo sa kanya ito. Ang sex na walang kasal ay nakakasira sa pagkakaibigan.
Sabihin mo sa kanya na ayaw mong magkaroon ng relationship sa iba sapagkat pangarap mong makasama siya forever. Kaya lang, napag-isip mong ang forever ay nangangailangan ng commitment. Sabihin mo na ang commitment mo ngayon ay pag-aaral muna.
Idagdag mo, na nagdadasal kang darating ang araw na magkakaroon ka ng commitment sa kanya, at nawa’y makasama mo siya forever, at para sa iyo, that would be great. Nawa’y magbukas ito ng kanyang isip. May God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom