Sanchez bulukin sa kulungan — Mrs. Sarmenta

Mas gugustuhin pa ni Maria Clara Sarmenta, ina ng napatay ng University of the Philippines (UP) Los Baños student Eileen Sarmenta, na mabulok na lang sa kulungan si convicted rapist­-murder Antonio Sanchez kaysa hatulan ng kamatayan.

Ginawa ni Mrs. Sarmenta ang pahayag sa pagdinig kahapon sa Senado bilang papagpapakita ng kanyang pagkabahala at pagkadismaya sa naunang ulat hinggil sa napipintong paglaya ni Sanchez sa New Bilibid Prison (NBP).

“Mas gusto ko pa na makita na nag-suffer siya. Hindi naman ako sadista but then parang mas magaan sa loob na ‘yung kanyang hatol ay pang-habambuhay,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni Mrs. Sarmenta.

Bago ito, tinanong ni Senador Francis Tolentino si Mrs. Sarmenta kung pabor itong sa muling pagbuhay sa death penal­ty na ngayon nakabinbin sa Kongreso.

“Opo, at the spur of the moment I said I agreed to restore the death pe­nalty. But then when I thought it over, being a Christian, I would rather have the life sentence because in the death penalty, isang injection lang, tapos na,” sagot ni Mrs. Sarmento kay Tolentino.

“But in life sentence, the prisoner would be given the chance to be reformed,” dagdag pa nito.

Samantala, sinabi naman ni Iluminado Gomez, ina ni Allan Gomez, na natatakot sila ngayong napabalitang makakalabas na Bilibid si Sanchez.

(Dindo Matining)