Nakakalungkot na hanggang ngayon ay wala pang maitalagang pinuno ng Philippine National Police (PNP) si Pangulong Rodrigo Duterte.
Oo nga’t may nakatalagang officer-in-charge sa katauhan ni Lt. Gen. Archie Gamboa at sinamahan pa ng pinagkatiwalaan ng Pangulo na si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, pero mukhang hindi sila solusyon para maabatan ang kaliwa’t kanang krimeng nangyayari sa ating bansa.
Hindi natin minamaliit ang kakayahan ng dalawang opisyal lalo na si Sec. Año dahil maraming beses na niyang napatunayang mahusay siyang opisyal ng pamahalaan.
Kanya nga lamang sa pagkakataong ito ay may iba siyang tanggapang pinamumunuan at ito ay ang DILG.
Ibig sabihin ay sinisilip lamang niya ang PNP at wala rito ang kanyang full concentration.
Sa panig naman ni Lt. Gen. Gamboa, alam nating napatunayan niya sa loob ng ilang buwang pagiging OIC ay nagampanan naman niya ang kanyang tungkulin.
Pero siyempre dahil isa lamang siyang OIC ay hindi ganun kasinsero sa aking palagay ang pagtitiwala sa kanya ng kanyang mga opisyal.
Ibig sabihin, may pag-aalinlangan pa ang karamihan sa mga opisyal ng PNP na maaaring dahilan kaya patuloy sa pamamayagpag ang krimen.
Kaya sana ay huwag nang patagalin pa ng Pangulo ang pagluluklok ng permanenteng pinuno ng PNP upang sa gayon ay matigil na ang mga kalunus-lunos na krimeng nangyayari sa bansa.
Alam kong nadala ang Pangulo sa pagkakapili niya kay retired Gen. Oscar Albayalde na nakaladkad sa ‘ninja cops’ pero hindi ito rason para tumigil ang mundo ng PNP, lalo na’t dalawang taon na lamang ang natitira sa Pangulo para durugin ang sindikatong nasa likod ng iligal na droga sa bansa.
Sana sa lalong madaling panahon ay makapagtalaga na ang Pangulo ng pinuno ng PNP katulad ng kanyang naging desisyon na pagluklok ng bagong pinuno ng Armed Forces of the Philippines sa katauhan ni Lt. Gen. Felimon Santos.
Naniniwala tayong malaking tulong ang magagawa ng pagtatalaga ng permanenteng pinuno ng PNP para kagyat na matugunan ang problema ng bansa sa krimen at iligal na droga.