Sandamukal na anomalya sa San Juan, hindi tatantanan ni Zamora

Pursigido ang local government unit ng San Juan City na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga tiwaling opisyal matapos na mabuko ang mga anomalyang ginawa ng nagdaang administrasyon.

Ito ang tiniyak ni San Juan City Mayor Francis Zamora matapos ilahad sa kanyang State of the City Address (SOCA) na nasa proseso pa sila ng pagbuo ng kaso at pangongolekta ng mga sapat na ebidensya bago isampa ang kasong katiwalian sa mga nagdaang opisyal ng departamento sa panahon ni dating alkalde Guia Gomez.

“We have found out that different departments have anomalies. Now, whether the former mayor (Guia Gomez) is connected or not, I’m not saying anything at this point. But what I’m saying is definitely we have found a lot of anomalies,” ayon kay Zamora.

Kabilang sa mga naungkat na anomalya ang ang pagbili ng Spider BackHoe na nagkakahalaga ng P40M.

Magagamit ang backhoe bilang pagbuhay sa creek upang mabawasan ang pagbaha at maging maayos ang daluyan ng tubig subalit naging palpak umano ang backhoe dahil malaki ito at hindi sapat para isiksik sa kanilang creek.

“Nasayang ang pondo na pinambili ng backhoe, kung sa gamot ay marami sana ang natulungan,” paliwanag ng alkalde.

Kabilang pa sa anomalya ang itinayong San Juan Medical Center na nilaanan ng pondong P500M, anomalya sa San Juan Gym at iba pa na kung saan nai-file na ito sa kanilang legal department at papayagan ang Commission on Audit na mag-imbestiga.

“Papanagutin natin ang dapat managot. Ngunit hindi ko po direktang sinasabi na sangkot si Mayora (Mayor Guia Gomez),” paliwanag ni Mayor Zamora.

Kasabay nito, tinitiyak ni Mayor Zamora na marami pa silang makakalap na ebidensya dahil sa unang 100-araw pa lamang nito ay may nakita na silang kamalian mula sa mga dating department head na umabuso sa posisyon. (Vick Aquino)