Sandara Filipino ang reply kahit sa text

Pinoy na Pinoy pa rin talaga si Sandara Park. Ito ay sa kabila ng walang dugong Pinoy na nananalaytay sa kanya but a 100% Korean. Ang pagmamahal niya talaga sa Pilipinas ay masasabi naming daig pa ang mga tunay na Pilipino.

Personal naming nakasamang mag-dinner sa isang restaurant sa Hannam, Seoul, South Korea si Sandara nitong weekend. Nakakatuwa ito na nagawan pa rin niya ng paraan na i-meet ang grupo namin sa kabila ng kanyang busy schedule.

Very close kay Sandara si Elena dela Vega na dati niyang road manager noong nasa ABS-CBN pa siya. At dito pa lang, patunay na ang pagiging loyal nito. Kahit nagka-pangalan siya bilang isa sa mga K-pop artist ng Korea through her now defunct girl group na 2NE1 at ngayon as a solo star, never itong nawalan ng communication sa mga nakasama niya from her Star Circle at pagiging Pambansang Krung Krung days.

Aliw pa na si Elena, ini-English si Sandara sa exchange nila ng text messaging habang si Sandara naman, wikang Filipino ang sagot.

Dumating si Sandara kasama ang kanyang glam team at ang kanyang manager sa YG Entertainment. May pa-sorpresa itong birthday cake kay Nay Lolit (Solis) na kinantahan, hindi lang ng English version ng happy birthday kundi maging ng Korean version.

2am na raw natapos ang schedule ni Sandara noong araw na ‘yun. Kinabukasan ay may shoot na naman. Pero still, she will really find time to be with her Filipino friends.

Nauna na rin si Joross Gamboa na mineet ni Sandara. Kasama ni Joross ang misis nito na si Katz at dalawang anak. ‘Yung bunso ay inaanak ni Sandara.

Sinabi ni Nay Lolit kay Sandara na mahal niya ito dahil mahal na mahal ng singer-actress ang Pilipinas. Sabi naman ni Sandara, “Si-yempre naman, doon ako nagsimula.”

Tinanong ni Nay Lolit kung may boyfriend na ba ito na sinagot niya ng “wala pa.”

Personal choice pala ni Sandara kung bakit ang huli pa niyang movie ay ang “Cheese in the Trap” kasama ang Korean actress na si Oh Yeon Seo. Sa telebisyon naman ay sa web drama na “Missing Korea” ng KBS as a lead. Sey niya, “ayoko talaga sa acting.”

Mas feel ni Sandara ang hosting at variety kaya naman nagki-click siya sa kanyang variety show na “Video Star” ng MBC at “Stage K” ng JTBC. Nag-pilot ang huli noong April 2019 bilang judge at advisor.